Share

CHAPTER 6: Maraming Bakit

HINDI ALAM NI Sunset kung pinapakinggan ba siya ng kalangitan o pinapatagal pa ang kanyang buhay upang magdusa siya sa kamay ng mga dumukot sa kanya. Pilit niya mang pinipigilan ang sarili na umiyak ngunit bakas pa rin sa kanya ang matinding takot nang mga sandaling iyon. 

Hindi siya mamamatay nang mag-isa at hindi lumalaban. Iyon ang itinatak niya sa isipan kahit pa nangingibabaw sa kanyang isipan ang pagsisisi na hindi man lang niya naramdaman ang totoong kasiyahan sa buhay. Dahil sa pagkapaso ng kanyang palad, hindi niya napirmahan nang maayos ang mga papeles na naging dahilan kung bakit nasa sitwasyon siyang ito ngayon. Sa inis ng pinuno ng mga kumuha sa kanya, napilitan pa ang mga ito na bumili ng painkillers. 

Iyon na lang ang tanging paraan upang magkaroon siya ng pagkakataong tumakas.

Hindi nagsasalita si Sunset ngunit ang paningin niya ay umiikot sa paligid sa pagbabakasakaling may magagawa siyang paraan upang mailigtas ang sarili. Walang mangyayari sa kanya kung hahayaan niya ang sarili na kainin ng takot.

“Naiihi ako, nasaan ang banyo?” matapang niyang sabi kahit na ang katotohanan ay dumadagundong pa rin ang dibdib niya dala ng matinding kaba. 

“Nasaan ang banyo—”

“Sabi ng manahimik!” napipikong bulyaw ng kanyang bantay kasabay ng pagtutok nito sa kanyang sentido ng baril.

“Gusto mo bang magkalat ako rito?” nanghahamon na tanong niya pa rin. “Anong mangyayari sa ‘yo kapag naabutan ka ng boss mo na hindi maganda ang pakikitungo sa akin? Pwede namang piliin ko na mamatay na lang nang hindi pumipirma. Wala naman na akong dahilan para mabuhay.”

Sandaling nagkatinginan ang dalawa. Ipinapanalangin niyang talaban ang mga ito ng kanyang pagdadrama. Parehong pagsenyas lamang ang kanilang naging usapan. Hanggang nagdesisyon ang mga ito na dalhin siya sa palikuran. 

“Tanggalan niyo ako ng tali,” may kataasan pa ang kanyang boses sa pag-uutos. “Paano ako makakaihi kung mahigpit ang pagkakatali niyo sa kamay ko?”

Alam niyang napipikon na ang dalawa at parehong gusto ng pairalin ang galit ngunit sa huli ay nakinig pa rin ang mga ito sa kanya at kinalag ang pagkakatali nang may pagkapikon pa.

“Bilisan mo!” paalala pa ng isa na hindi niya binigyang pansin.

Pagkapasok na pagkapasok pa lamang sa palikuran, kaagad na umikot ang tingin ni Sunset sa kanyang paligid. Maliit lang iyon. Marumi ngunit hindi pagbabanyo ang kanyang pakay. Binuksan niya pa nang malakas ang tubig sa banyo sa takot na marinig sa labas. 

Natantya niya na, kasya siya sa bintana kung tama ang magiging pagpasok niya ng katawan sa siwang. Kaya naman, wala mang alam sa pag-akyat narating ni Sunset ang itinaas na bintana sa pagmamadali habang pilit na pinagkakasya ang sarili sa kakarampot na butas. Ngunit nakaka-kalahati pa lamang sa pagbaba nang mahiwa sa bakal ang kanyang tagiliran na naging dahilan ng labis na pagdurugo.

Gustuhin niya mang sumigaw dahil sa matinding sakit, pinili ni Sunset na makalabas doon nang hindi gumagawa ng ingay. Mangiyak-ngiyak pa siya nang makababa dahil sa dami ng dugo na kanyang nakikita ngunit mas tinatagan niya. Wala siyang ibang maaasahan kung hindi ang sarili. Itinali niya lamang ang sugat gamit ang suot na blaser upang maampat ang pagdurugo na natutunan niya sa kanyang tatay.

Pawis na pawis, hawak ang tagiliran na may malaking hiwa, dali-dali ang naging paglalakad ni Sunset. Hindi na siya lumilingon. Ang nasa isipan niya lamang nang mga sandaling iyon ay makatakas. 

Ngunit hindi pa man tuluyang nakakalayo, ganoon na lamang ang malakas na sigaw ng isa sa mga nagbabantay matapos na masilip siya sa pinagdaanang bintana. 

“Hoy tumatakas ang bihag mga pulpol!”

“Habulin niyo, dali!”

Napakabilis ng pagtakbo ni Sunset. Nakalimutan na ang iniindang tagiliran na unti-unti na ring namamanhid. Sa takot na nadarama niya na iyon na ang magiging huling araw sa mundo, kahit ang putok ng baril ay hindi niya na pinagtuunan ng pansin. Mas ikinababahala niya kung muling mahuhuli ng mga ito at marusahan.

“Doon tayo!”

“Malilintikan talaga tayo kay bossing!”

“Bakit kase hindi niyo binabantayan nang maayos?”

Malakas ang boses ng mga ito kaya dinig na dinig niya sa kanyang pwesto. Pilit na ipinagsisiksikan niya ang sarili sa talahiban kung saan may mga nakatambak na basura.

Heto na naman ang malakas na kalabog ng kanyang dibdib habang pilit na nanalangin sa itaas na huwag siyang mahuli. 

Nang makalayo ang mga ito, isang mapait na ngiti na naman ang rumehistro sa labi ni Sunset. Bakit ba siya nagpupumilit pang mabuhay kung wala namang naghihintay sa kanya? May dapat pa ba siyang gawin sa mundo at pilit siyang lumalaban ngayon?

Tumulo na naman ang kanyang luha habang nakatingin sa malungkot na kalingatan. Kahit ang langit pinagkakaitan din siyang makakita ng kahit na isang bituin. Mukhang nagbabadya rin ang malakas na pag-ulan na lagi na lang natataon sa tuwing nasa pinakamababa siyang tagpo ng buhay.

Wala sa sariling napahawak sa kamay na nababalot na ng dugo. Dama niya na rin ang labis na panlalamig.

“Tay, mukhang hindi mo na ako maabutang magising…” may kahinaan niyang sambit.

Matindi na ang kanyang pamumutla at nagsisimula na ring magdeliryo. Hindi niya na rin alam kung ano ang totoo sa hindi.

“Tyang, pasensya kung maiiwan kitang mag-isa. Ikaw nang bahala kay tatay…”

Kahit na tatatlo lamang sila sa buhay, hindi naramdaman ni Sunset ang kakulangan. Nang mamatay ang kanyang nanay at magmahal muli ang kanyang tatay ang pinakamagandang desisyon nagawa nito sa buhay dahil naramdaman niya ang kalinga sa piling ng pangalawa niyang nanay.

Hindi man siya nanggaling dito, ang kanyang tyang ang nagpakita sa kanya kung anong ibig sabihin ng salitang pagmamahal. Ang hindi matatawarang atensyon na ibinibigay nito sa kanya kasama ng kanyang tatay ang dahilan kung bakit mayroong siya.

“Hanggang dito na lang ba talaga?” muli niyang tanong habang unti-unting bumabalik sa kanyang memorya ang mga pinagsamahan nila ni Lucian.

Kahit na isang tagpo, wala siyang matandaan na naging masaya sa piling nito. Tila sa kanilang relasyon, siya lamang itong lihim na nagmamahal kahit na may mga pagkakataong nasa impyerno na ang kanyang buhay.

Nag-aalaga siya ng baldado, sinasalubong ang lahat ng galit nito, at maging pinakamadilim na bahagi ng buhay ng asawa ay niyakap niya. Sa tinagal-tagal ng kanilang pagsasama, ngayon niya lang napagtanto kung bakit limang taon siyang nag-aksaya ng panahon sa piling nito?

Dahil ba sa pinagbuklod sila ng Diyos kaya pilit siyang nagtitiis? O dahil nangangarap siya na magkaroon ng sariling pamilya? Ngunit sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit si Lucian pa ang bumagsak kanya? Wala silang anak, ano pa ang dahilan kung bakit siya nagpakamartir?

Sa dinami-rami ng tanong, wala ni isang sagot siyang nakuha. 

“Kapag nawala ba ako, iiyak ka, Lucian?” 

Hindi iyon mangyayari. Sagot kaagad ng kanyang isipan. Si Eveth lamang minahal nito. Ano bang laban niya sa unang pag-ibig ng asawa?

Sa pagpikit ng kanyang mga mata ay siyang awtomatikong pagtulo muli ng kanyang luha. 

Handa na siyang sumuko. Magdesisyong huwag ng magpatuloy sa buhay nang bumuhos ang malakas na pag-ulan na sinabayan ng pagtawag sa kanyang pangalan. Paulit-ulit iyon at bakas sa tinig nito ang matinding takot. Gustuhin mang idilat ni Sunset ang mga mata upang makikilala ang nagmamay-ari ng tinig ngunit hindi niya na kaya dahil tuluyan na siyang nilamon ng kadiliman…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status