Share

CHAPTER 5: Sa Huling Paghinga

SAPO PA RIN ni Sunset ang kanyang sentido hanggang sa makarating sa sasakyan na ipinadala ni Vincent dahil nasabi niya ritong hindi niya kayang mag-commute ngayon. Bakit naman kase iinom-inom siya nang marami tapos hindi niya naman pala kaya? Hindi na lang ang asawa ang may kakayahan na magpaikot sa kanya, damay na rin doon ang alak. 

“Inom pa sa susunod, Sunset Gale!” kastigo niya pa sa sarili habang nagpapahid ng essential oil sa sentido.

Kung wala lang siyang aasikasuhing maraming trabaho sa panadirya ngayong tanghali baka tulog pa rin siya hanggang ngayon at nakakulong sa kwarto. 

“Manong, pakigising na lang ako kapag malapit na,” bilin niya pa rito. Itutulog niya na lang muna ang sakit ng ulo na nararamdaman. Iyon lang din ang tanging paraan upang matigil siya sa malalim na pag-iisip.

Matagal-tagal din ang naging pagtulog ni Sunset sa sasakyan. Hindi pa nga siya magigising kung nakarininig ng malakas na busina kaya napabalikwas siya ng gising.

Ganoon na lamang ang pagtataka niya nang magmulat ng mga mata at madilim na sa labas ngunit nasa biyahe pa rin sila. Halos isang oras lang naman ang kanyang babaybayin upang makarating sa panadirya pero bakit umabot na ng gabi?

Doon pa lamang ay nakaramdam na siya nang labis na kaba. Hindi normal na pangyayari ito lalo na nang mapansin niyang hindi driver ni Vincent ang sumundo sa kanya.

Mas tumindi ang pagtataka niya at nahaluan na ng kaba noong huminto sila sa abandonadong warehouse.  

“Manong, hindi ito ang daan sa—”

Nahinto sa pagsasalita si Sunset nang tutukan siya nito ng baril. Pagkalito ang unang rumehistro sa kanya. Hindi siya nakagalaw sa kinauupuan noong huli. Unti-unti, kahit ang paghinga niya ay hindi na nagiging normal. Tagaktak na rin ang kanyang pawis habang litong-lito ang isipan.

“Huwag ka ng magtangka pang gumawa ng kalokohan,” pagbabanta na ng lalaking nakasuot ng balaclava face mask. 

Titig na titig lamang si Sunset dito. Ang tumatak sa isipan niya nang mga sandaling iyon ay ang malaking sunog nito sa kanang bahagi ng mukha na nakalitaw sa suot nitong tabing.

“Baba!” 

May pwersahan siya nitong hinila nang naroon pa rin siya sa kinauupuan at hindi nagtangkang gumalaw sa labis na takot. 

Dahil hindi natitinag, mas malakas ang sumunod na paghila nito na naging dahilan ng pagkakasalampak niya sa damuhan.

“Tayo!” utos na naman nito. “Lakad!”

Sa pagkakataong iyon, pilit na pinapagana ni Sunset ang utak upang hindi ito magalit. Marami pa siyang pangarap. Ayaw niyang mapadali kaagad ang kanyang buhay. 

Yakap-yakap niya ang sarili nang makapasok sa abandunadong lugar. Hindi magawang tumingin ni Sunset sa mga armadong lalaki dahil sa matinding takot na kanyang nararamdaman.

“S-sino kayo?” kinakabahan niyang tanong matapos na magkaroon ng lakas ng loob na makapagsalita. “Anong kailangan niyo sa akin? May nagawa ba akong masama? Mahirap lang ako! Wala kayong mapapala sa akin. Wala akong pera—”

“Hindi ka tatahimik?” 

Mabilis ang pagtikom ng bibig ni Sunset habang matindi ang pagkakapikit ng mga mata matapos na itutok sa kanyang sentido ang baril na kakakasa lamang. 

“Sa susunod na magsalita ka, hindi ako mangingiming iputok sa bungo mo ang hawak ko. Nagkakaintindihan ba tayo?” 

Mabilis ang naging pagtango ni Sunset. Hindi niya nagawang magreklamo nang pabalya siyang pinaupo sa upuang kahoy. Dama niya man ang pananakit ng kanyang pang-upo, pinilit ni Sunset na pakalmahin ang kanyang utak.

“Ngayon, tatawagan mo si Vincent at sasabihin mong ibebenta mo na ang pabrika—”

“P-pero!” nanlalaki ang kanyang mga mata. Kahit naman nakapangalan sa kanya iyon ay hindi niya masabing siya ang nagmamay-ari dahil nariyan pa si Vincent na siya namang dapat na tagapagmana.

“Kasasabi ko pa lang!”

“Mukhang matigas ang isang iyan!”

“Paputukan mo na!” 

“Huwag,” singit naman ng isa. “Pagkatapos niyang mapirmahan ang kasulatan, pwede naman nating pagsalit-salitan!” 

“Nakikita niyo ba? Napakakinis ng isang iyan! Matagal-tagal na rin akong hindi nakakatikim ng sariwa. Puro bilasa na ang nasa bar at matatanda!”

Nagsunod-sunod na naman ang paglunok ni Sunset dahil sa narinig. Abot-abot ang paghabol niya ng hininga habang napakabilis ng tibok ng kanyang puso.

“Tatawagan mo na ba—”

“O-oo!” mabilis niyang sagot habang paulit-ulit ang pagtango dahil sa pagiging desperada.

Nanginginig at wala sa sarili na nag-dial si Sunset ng numero. Ngunit sa dinami-rami ng maaari niyang tawagan nang mga sandaling iyon, ang asawa lamang ang tumatakbo sa kanyang isipan.

“H-hello, Vincent…”

“Anong kalokohan ito, Sunset?” galit na boses ng asawa niya mula sa kabilang linya.

“Hindi ako nakapunta sa pabrika. Masama ang pakiramdam ko. G-gusto ko lang sabihin na, hindi ko na itutuloy ang pakikisusyo sa negosyo mo. Nagseselos pa rin ang asawa ko. K-kapag nakita ka niya, isinusumpa niyang ipapalapa ka niya sa aso naming si Bruno—”

“Ginag*go mo ba ako, Sunset Gale?” galit na tanong ng asawa niya. 

“Nakalimutan ko nga pa lang pakainin si Bruno. Makikisuyo na lang ako.”

“Anong nangyayari—”

Hindi na narinig pa ni Sunset ang ibang sasabihin ng asawa nang tanggalin na ang cellphone sa kanyang taynga.

“Kakaiba ka rin ano?” natatawang sabi ng isa sa mga nakamaskara.

“Ibinilin pa talaga ang aso!” dagdag pa ng isa habang tumatawa.

“Pirma!” may awtoridad na utos na naman ng isa habang idinudukdok sa ulo niya ang baril. “Sabi ng pirma!”

“S-sandali!” ipinakita ni Sunset ang kamay niyang nakabenda. 

Walang pagdadalawang-isip na tinanggal niya ang nakabalot doon upang ipakita dito ang masamang lagay ng palad niya na nanginginig pa dahil sa pagkapaso.

“Ano namang kinalaman niya sa—”

“Ungas!” malakas na binatukan nito ang kasamahan. “Baka iyan ang ginagamit para makahawak ng ballpen ano?”

“Ginagawa lang tayong tanga niyan!” sulsol pa ng isa.

“Pirma!” 

Tuluyang bumuhos ang luha ni Sunset na kanina pa pinipigilan sa pagtulo. Hindi niya alam ang gagawin nang mga sandaling iyon. Sa oras na pirmahan niya ang mga kasulatan, sigurado siya na katapusan niya na. Ngunit kung hindi niya naman gagawin ay ganoon din ang mangyayari sa kanya.

“Sabi ng pirma!” galit na galit na sabi nito kasabay ng magkakasunod na pagpapaputok ng baril.

Ramdam ni Sunset na ang araw na iyon na ang magiging katapusan niya. Ngunit bakit kahit pakiramdam niya’y ito na ang magiging huling hininga, ang asawa pa rin na hindi siya kailanman pinahalagahan ang nasa isipan?

Hindi na siya darating, Sunset…

Paalala niya pa sa sarili sa pagbabaka-sakaling kahit papaano’y naging mahalaga rin siya sa asawa…

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status