Share

CHAPTER 2: Limang Milyong Halaga

“POR DIOS POR Santo! S-sunset Gale, ikaw nga!” gulat na bulalas ng kanyang madrasta nang makita siya nitong parang basang-sisiw na naghihintay sa tapat ng kanilang bahay sa probinsya.

“Alam mo ba kung anong oras na? Alasdos na ng madaling-araw! Napakalakas pa ng ulan. Ano bang nahithit mo ng ganito kaagang bata ka? Atsaka bakit narito ka? Akala ko ba magbabakasyon kayo ng asawa mo? Ngayon ka lang inilabas ng asawa mo kaya—”

Nahinto sa pagsasalita ang madrasta niya nang yakapin niya ito nang mahigpit. Sa yakap nito, hindi napigilang pakawalan ni Sunset ang luhang akala niya’y tapos na. 

“G-gale, bakit?”

Sa simpleng tanong na iyon ay mas kinuwestyon ni Sunset ang kanyang sarili.

Bakit? Bakit sa tinagal-tagal ng pagsasama nila ni Lucian ay hindi siya nito nakuhang mahalin? Habang si Eveth na first love nito ay hindi nakalimutan ng asawa. Kulang pa ba? Napakarami niyang isinakrepisyo para sa asawa. Ang career niya, ang panahon niya, ang pangarap sa buhay at ang kalayaan na maging masaya. Kaya kung siya ang tatanungin, ano pang kulang para hindi siya mahalin nito?

“Hindi ka si Eveth…” kaagad niyang sagot sa isipan habang wala sa sariling pumasok sa kanilang kusina.

“Hija, kinakabahan na ako sa ‘yo. Napapano ka ba?”

“Tiyang Lorna, saan nakalagay ang lambanog natin?” patukoy niya sa sikat na alak sa kanilang probinsya.

Naguguluhan man, kinuha pa rin iyon ng kanyang tiyahin at ipinatong sa kanilang mesa. Kumuha rin ito ng tagayan at pulutan. 

Kinuha niya sa dalang sling bag ang tseke na ibinigay ng asawa para iabot sa kanyang tyahin.

“L-limang milyon? Napakalaki nito, Gale! Bakit bibigyan ka ng asawa mo ng—”

“Para sa pakikipaghiwalay niya sa akin, Tyang. Limang taon. Limang milyon, iyon lamang ba ang halaga ko?” mapait siyang napangisi sabay tagay sa alak. “Noong baldado siya at hindi makalakad, ako itong nasa tabi niya. Ngayong maayos na siya, ang kapal ng mukha niya para magpunta sa kabit niya—Tyang!”

Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita ang kanyang madrasta na kinukuha ang itak nito.

“Nasaan ang Lucian na iyan? Mahirap tayo pero hindi paapi. Ituro mo sa akin, Gale! Puputulan ko na ng paa—” 

“Tyang naman!” dahil sa reaksyon nito, tuluyan ng umurong ang kanyang luha. 

“Huwag mo akong pinipigilan, Sunset Gale! Katulad ng pangalan mo, nagsisimulang mandilim ang paningin ko riyan sa asawa mo!”

“Talo mo pa ang sasabak niyan sa giyera, Tyang! Huwag kang mag-alala, sinabihan ko namang maliit ang etits niya kahit hindi totoo tapos sabi ko dagdagan ang ibinigay niya! Hindi lang ganoon ang presyo ko ‘no!”

“Dapat lang!” galit na napainom ang madrasta niya ng alak. “Iyang asawa mo, walang utang na loob. Nakakapaglakad nga pero naging bulag naman!”

“Mukhang pera naman na ang tingin sa akin, Tyang. Nilubos-lubos ko na. Kaya, k-kalma na!” 

“Hindi kita inalagaan para apihin lang. Kung alam ko lang talaga na gagawin kang caregiver niyang asawa mo, tinutulan ko talaga ang kasalang iyan!” 

Tipid lamang siyang ngumiti nang nabaling ang tingin sa kwarto kung saan naroon pa rin ang walang malay niyang tatay. Dahil sa pagliligtas nito sa lolo ni Lucian kaya nabuo ang arrange marriage sa pagitan nila.

“Kung hindi naman naaksidente iyang tatay mo, hindi ka papayag,” naiinis na sabi nito. “Ewan ko ba riyan kay, Rudi! Kahilig-hilig tumulong, iyan tuloy ang napala!” 

Limang taon na rin, ganoon na katagal na nasa comatose stage ang kanyang ama. Katulad ng hindi niya pagsuko kay Lucian, ganoon din ang nadarama niya sa kanyang tatay.

“Magigising din ang itay, Tyang Lorna…” sabi niya pa kasabay ng pagpisil sa kamay ng madrasta.

Matapos ng pag-uusap nila, hindi na magawang lumabas ni Sunset sa kanyang kwarto. Kung ano ang suot niyang damit noong makapagpalit ay iyon pa rin iyon sa mga nakalipas na araw.

Dama niya ang kawalan ng ganang mabuhay. Kahit kumain ay hindi niya magawa. Alam niyang nag-aalala na sa kanya ang Tyang Lorna niya ngunit pinababayaan pa rin siya nito.

“Siguro, magkasama na kayo ng kirida mo, Lucian…” wala sa sarili niyang wika. “Masaya ka na ba ngayong nasa piling mo na siya?”

Heto na naman ang kanyang luha sa pagbuhos na akala niya’y tuluyan ng naubos. 

“Tyang, ayos lang ho ako!” sabi niya na naman dito nang kumatok ito para maghatid ng pagkain. 

Dahil napalaki ang pagbukas ng pinto, ay siya namang pagpasok ng pusang alaga nila. Akmang kukunin na iyon ng kanyang Tyang Lorna nang mahila ang kurtina na naging dahilan upang kumalat ang matinding liwanag sa kanyang kwarto. 

“Kakulit mo talaga, Pechay!” kastigo ng kanyang Tyang Lorna sa pusa. “Nga pala, Gale, natatandaan mo pa si Vincent? Iyong apo ni Nanay Martina na may-ari na ngayon ng panadirya na palugi na? Hinahanap ka nga pala. Tinatanong kung hindi mo pa rin daw nagagalaw ang ibinigay sa ‘yo ng lola—”

“Tyang naman eh! Napakahirap namang magdrama sa bahay na ito. Nakikita mo ng umiiyak pa, sisingitan mo kaagad ng tsimis!” 

“Hoy, phaks iyon. Katotohanan. Tumayo ka na kaya riyan! Ilang araw ka ng walang paligo. Tatalab pa ba ang sabon—”

“Tyang naman!” malakas niyang bulyaw sa madrasta na dali-dali naman ang paglabas ng kwarto.

Sa pagbaliktad ni Sunset ng higa sa maliwanag na bintana, hindi niya inaasahan ang makikita, ang papasikat na araw ang bumungad sa kanya. 

“Pinapatay ko ang sarili ko… hindi ako ito…" 

NATAGPUAN NA LAMANG ni Sunset ang sarili sa tapat ng sarado na factory. Kung hindi niya nakilala si Lucian, maaaring nasa lugar na ito siya at ipinagpapatuloy ang nasimulan ng namayapang Olivarez. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maintindihan kung bakit sa kanya nito ipinagkatiwala ang recipe na hawak ng pamilyang iyon sa matagal na panahon.

“Hoy, Sunset!” 

Matagal-tagal niya ring pinakatitigan ang dating nobyo sa hayskul hanggang sa tuluyan itong makilala.

“V-vincent?” hindi niya pa siguradong tanong. “Ikaw nga!”

“Really, Sunset? Aray ha!”

“Hindi kita nakilala. Gumwapo ka kase!”

“Baka nakakalimutan mong naging nobyo mo ako!”

Kumawala ang malakas na tawa ni Sunset. “Kase naman, patpatin ka noon. Feeling ko nga, ginayuma mo lang ako kaya nagkagusto ako sa ‘yo.”

“Wow!” 

“Pero real talk, deserve mong masabihan ng pogi sa palengke!” natatawa niyang pangbubuska rito.

“Sunset…”

Natawa na lamang siyang muli saka nagseryoso. Bago magtungo sa pagawaan ng tinapay, sinigurado niya munang buo na ang loob sa gagawing desisyon. Pangarap niya ito na naudlot at gustong balikan ngunit natatakot siya.

“Lugi na ang pabrika, sa tingin mo, kakayanin ko kaya?” may pagdududa niyang sabi. “Ako ang dahilan kung bakit ito nagkaganito. Bakit bibigyan mo pa ako ng chance?”

“Sayo iniwan ito ni grandma. Walang dapat na may may-ari nito kung hindi ikaw lang, Sunset…”

Marami pa ring agam-agam na naglalaro sa kanyang isipan ngunit mas nanaig pa rin sa kanya ang pangarap na bumawi sa mga taong na-dissapoint niya nang umibig kay Lucian.

Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa ni Sunset bago maging buo ang loob na tawagan ang asawa. Noong sagutin nito ang tawag, walang paligoy-ligoy na sinabi niya ang pakay dito.

“Pumapayag na akong mapawalang-bisa ang kasal natin. Let’s get divorce, Lucian…”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status