Share

Thou Shall Not Covet  Thy Neighbor's Wife
Thou Shall Not Covet Thy Neighbor's Wife
Author: Michelle Vito

CHAPTER 1 SINO ANG PUMATAY KAY JAY-R?

“HINDI KO PINATAY SI Jay-are!” Umiiyak na sigaw ni Mariz habang pinupusasan siya ng mga pulis. Duguan ang suot niyang bestida, marami siyang galos sa katawan, magulong-magulo ang kanyang buhok at mababakas ang kalituhan sa kanyang mukha, “Maniwala naman kayo sa akin, oh. Hindi ko pinatay ang asawa  ko,”nagsusumamong sabi niya, nilingon niya ang mga magulang ni Jay-are, “’Nay, Tay, alam nyong hindi ko magagawang patayin ang anak ninyo. . .”

            Ngunit sino nga ba ang maniniwala sa kanya na wala talaga siyang kinalaman sa pagkamatay ni Jay-are gayong natagpuan siya sa kuwarto nilang mag-asawa na duguan ang kanyang kasuotan at punong-puno ng galos ang kanyang katawan habang nakahandusay si Jay-are sa sahig at tadtad ito ng saksak ang dibdib at dead on arrival na nang dalhin sa ospital.

            Kung paanong nangyaring punong-puno ng dugo ang kanyang kasuotan, at napakarami niyang galos sa katawan ay hindi rin niya alam.  Ang sigurado lang niya, hindi niya pinatay ang asawa niya.  Hindi niya magagawang pumatay.

            Ni wala rin siyang maalala sa mga pangyayari.  Basta namalayan na lamang niyang dinadakip na siya ng mga pulis at marami   ng mga nakikibalita/tsismosa ang labas ng bahay nila.

            Punong-puno ng mga tao ang palibot, pawang may mga kanya-kanyang opinion, may nagbubulungan, may curious, may galit na galit, meron ding naawa, may natatakot pero tila mas marami ang gusto lang makasagap ng tsismis.

            “Mamatay tao ka! Pinatay mo ang anak ko para tuluyan ka ng malaya sa pakikiapid mo! Malandi kang babae ka!” Galit na galit na sabi ng nanay ni Jay-are sa kanya. 

            “Hindi totoo ‘yan!” Mariing tanggi niya.  “Maniwala naman kayo sakin, oh, wala akong kinalaman dito,” nagsusumamong sabi niya.

 Mula sa pulumpon ng mga miron ay nakita niya ang isang lalaki.  Pamilyar sa kanya ang mukha nito.  Hindi lang niya matandaan kung saan niya ito nakita.

            Basta ang alam niya, hindi ito taga-rito sa San Mateo.

            Bakit wala siyang naalala sa naganap kagabi?  Kahit paulit-ulit niyang irecall ang lahat ng ginawa niya bago ang mga pangyayaring ito ay wala talaga siyang matandaan.   Nasaan nga ba talaga ako kagabi?

            Isinakay siya ng mga pulis sa patrol at dinala sa istasyon para kuhanan siya ng finger prints at kung anu-anong eksaminasyon bago siya kinuhanan ng mug shot.  Maya-maya ay dumating na si Gerald.

            “Gerald. . .”

            “Anong nangyari?” Bakas ang pag-aalala sa anyo nito, akmang lalapitan siya ngunit hindi ito pinayagan ng pulis na makalapit sa kanya.

            Napahikbi na lamang siya habang iginigiya siya ng mga ito para idetain.  Walang nagawa si Gerald kundi sundan na lamang siya ng tingin.

            God, ito po ba ang kaparusahan sa mga kasalanang nagawa ko?  Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang sasapitin niya ang ganito kalupit na kapalaran.  Unti-unting nagbalik sa kanya ang mga masasaya at malulungkot niyang mga alaala bago maganap ang pagkamatay ng asawa.

            Parang kahapon lang ay nagplaplano pa sila ni Gerald kung papaano silang aalis ng bansa kasama ang kanyang anak.  Desidido na talaga siyang iwan si Jay-are at bumuo ng bagong buhay kasama ni Gerald.  Hindi niya akalaing mangyayari ang lahat ng ito sa kanya ngayon. Kung anu-anong mga pangyayari ang nanumbalik sa kanya habang iniisip kung ano na ang mangyayari sa kanya ngayon?

Michelle Vito

Sana po ay magustuhan ninyo ang bagong kasaysayang ito ng buhay ni Mariz. Huwag nyo rin pong kalimutang magbigay ng gems at komento sakali man pong magugustuhan ninyo ang kwentong ito. Malaking bagay po iyon sa mga manunulat na kagaya ko. Maraming salamat po sa inyong suporta. Mahal ko kayo.

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status