Share

CHAPTER 5-ANG PLANO

LIHIM na napangisi si Mariz, sinadya niyang papungayin ang kanyang mga mata, “Hindi naman magiging problema iyon kay Jay-are.  Alam naman niyang trabaho lang ang lahat ng ito, hindi ba Sir Gerald?” Mapanukso ang tonong sabi niya, sinadya pa niyang magpakawala ng isang nakakapang-akit na ngiti sa mga labi.

            “Yeah, trabaho lang at pagdating sa trabaho, I am very dedicated,” sabi nitong mas lalong inilapit ang mukha sa tenga niya.  Nagdulot iyon ng kakaibang tension sa kanya, nag-iinit ang kanyang buong katawan.  Nalalanghap niya ang pangmayamang scent nito.  Malayo sa amoy ni Jay-are na palaging babad sa araw.

            Napasinghap siya.  Tumindig siya ng tuwid dahil parang nanghihina ang mga tuhod niya.  Ang bilis-bilis ng pintig ng puso niya.  Napangisi si Gerald nang mahalata ang tension sa mukha niya.

            “Huwag kang mag-uumpisa ng isang bagay na di mo kayang panindigan,” he teased.

            “W-Wala akong inumpisahan na hindi ko kinayang panindigan,” aniya rito. 

            Biglang napalitan ng pagkaseryoso ang mga mata ni Gerald, “Talaga ba?  Kaya ba bigla mo na lang hindi sinasagot ang mga tawag ko?”

            Kumunot ang nuo niya, “Tawag?  Hindi ba ikaw itong bigla na lang naglaho?  Nabalitaan ko na lang na nasa Amerika ka na?” Sumbat niya rito.

            “Tinatawagan kita dun sa number na ibinigay mo pero. . .” Bago pa nito maiuloy ang sasabihin ay umawang ang pinto at dumukwang si Jay-are.

            “Sir, aalis ba tayo ngayon?” Tanong nito.

            “Oo,” sagot ni Gerald saka mabilis ng lumabas ng opisina.  Maya-maya ay nilingon siya nito, “Ano pang ginagawa mo dyan?  Since secretary na kita, lahat ng lakad ko, dapat kasama ka,” anito sa kanya.  Mabilis siyang napasunod dito.

MULA SA REAR VIEW MIRROR ay manaka-nakang napapasulyap si Jay-are kay Gerald at sa kanyang asawa na nakaupo rin sa passenger’s seat katabi nito.  Isang dipa ang pagitan ng mga ito ngunit hindi maikukubli ang tension sa pagitan ng mga ito.

            Bago pa mamasukan bilang sekretarya ni Sir Gerald Montero si Mariz ay nakapag-usap na silang mag-asawa.  Ang totoo, sa kanya nagmula ang plano.  Hindi naman lingid sa kanya ang namagitan nuon kina Mariz at Sir Gerald.  Alam niyang nagkaroon ng relasyon ang mga ito, seven years ago.  Hindi niya alam kung seryoso ang dalawa pero alam niyang attracted si Gerald dito. Hindi naman niya ito masisisi.  Talaga namang napakaganda ng kanyang asawa at kahit nga ngayon ay mukha pa rin itong dalagang-dalaga.  Hindi mapaghahalatang may seven-year old na itong anak.

            Sa bayan ng San Mateo, magpahanggang ngayon ay isa pa rin si Mariz sa masasabing nagtataglay ng pinakamagandang mukha.  Kaya nga maraming mga kaibigan niya ang naiinggit sa kanya.  Ano raw ba ang ipinakain niya rito at nagpakasal ito sa kanya?

            Hindi naman kasi alam ng mga ito ang totoong dahilan kung bakit napilitan siyang pakasalan ni Mariz.

            Kaya nang maisipan ni Mariz na pumasok bilang sekretarya ni Gerald ay kaagad siyang nakabuo ng plano.

            Baka sakaling magamit ni Mariz ang kagandahan nito para maakit ang amo nila.  Kapag nagkataon, madali na nila itong mahuhuthutan, bagay na kaagad naman sinang-ayunan ni Mariz dahil alam niyang matagal na nitong pinapangarap na magkaroon ng magandang buhay.

            At mukhang nagtatagumpay naman sila sa kanilang plano.  Hindi nakaligtas sa kanya ang mga palihim na tinging ipinupukol nito sa kanyang asawa, punong-puno ng pagnanasa at pananabik.

            Payag naman siyang ipaubaya dito si Mariz, kapalit ng salapi.  Basta lang, walang pusong magiging involve.  Hindi niya papayagang mahulog ang loob dito ni Mariz.  Sa kanya lamang ang puso at kaluluwa nito.  Kung makikipag-affair man ito kay Gerald, trabaho lang, walang personalan.

“PINAYAGAN MONG MAGTRABAHO bilang sekretarya ng amo mo ang asawa mo?” Kunot-nuong tanong ng ina ni Jay-are na si Aling Norma, “Nasisiraan ka na ba ng bait, ha Jay-are?”

            “Ano naman pong masama kung magtrabaho man si Mariz sa Gerald na iyon?” Patay malisyang sagot niya, idinawdaw niya ang hawak na pandesal sa kapeng tinimpla ng nanay niya.  Tuwing umaga kasi ay gawain na niyang ihatid dito ang anak na si Joey bago siya pumasok sa trabaho.  Dito na rin silang mag-ama nag-aalmusal since tulog pa si Mariz tuwing inihahatid niya ang bata.

            “Anong masama? Alam mo kung ano ang ibig kong sabihin!” Bulalas nito sa kanya, “Hindi naman kaila saiyo ang usap-usapan nuon na naging magkarelasyon ang dalawang iyon.  Hindi ba nga at palihim pa silang nagtatagpong dalawa nuon?”

            “’Nay, pitong taon na iyon.  Asawa ko na si Mariz ngayon.  Saka ikakasal na iyon kay Andrea!  Hindi naman siguro sisirain ni Sir Gerald ang pangalan nya ng dahil lang sa isang babae lalo pa at matunog ang balitang tatakbo iyon bilang gobernador sa susunod na election!”

            “Kahit pa.  Wala pa rin akong tiwala, lalo na sa asawa mo.  Alam mo naman kung gaano kataas ang ambisyon ng asawa mo, hindi ba?  Kaya nga magpahanggang ngayon. . .” Huminga ito ng malalim, napatingin kay Joey saka muling nagpatuloy ng pagsasalita, this time halos pabulong na lamang, “Hindi ka ba natatakot sa maaring mangyari oras na hinayaan mong magkalapit ang dalawang iyon?”

            “’Nay, relax lang.  Kung magkanun man, makikinabang rin naman tayo sa perang makukuha ni Mariz sa lalaking iyon!” Nakangising sabi niya sa ina.

            “Diyos na mahabagin!” Sabi nitong biglang napa-krus, “Hindi ako makapaniwalang papasok sa utak mo ang mga bagay na ‘yan!”

            “Tama si Mariz ‘nay, nakakapagod ng maging mahirap.  Kaya kung may darating na pagkakataon, bakit hindi samantalahin?” Makahulugang sabi niya sa ina.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status