Share

Kabaklaan 4

“HAAAY... ang hirap humanap ng trabaho for today’s video. Magpakap*kpok na lang kaya ako,” usal ni Wella sa kanyang sarili habang naglalakad papuntang sakayan nh jeep. “Ay, no! Sayang ang ganda kez! Hindi bagay sa akin ang maging p*karat na lang. Wiz ko bet maging p*kpok!” kontra din niya sa sarili. Ang tila nakikipagtalong baklita ay bigong makahanap ng trabaho sa araw na iyon. Inikot na niya ang buong ka-Maynilaan pero kahit isang kompanya ay hindi man lang siya in-entertain — kung hindi naman daw kasi walang bakante ay mga babae ang hanap. Sa maghapong paghahanap ng trabaho ay nakaramdam na siya ng pagod.

Minabuti niyang umuwi na lang at ipagpabukas ang paghahanap ng trabaho. Isa pa, hindi na rin sapat ang perang dala niya para magpunta pa sa kung saan-saan. Pamasahe na lang pauwi ang kasya sa bente pesos na laman ng kanyang pitaka. Kailangan na naman niyang manghiram sa kung sino-sino para lang may maipanggastos siya.

Madiskarte naman sa buhay si Wella. Iyon nga lang, sadya nga yatang pinagkaitan siya ng suwerte sa buhay dahil tulad ng mga kapit-bahay niya sa Barangay Maligaya ay isang kahig, isang tuka rin siya. Nagsasawa na siya sa ganoong pamumuhay kaya imbes na magmukmok at humilata na lang, naghahanap siya ng iba pang pagkakakitaan. Ayaw na rin niyang maging habambuhay na sa parlor lang mag-aayos.

May talent naman siya pagdating sa pagmi-make up pero higit pa roon ay may isa pa siyang pangarap: iyon ay ang maging sikat na fashion designer. Pero paano siya magiging sikat na fashion designer kung high school lang ang natapos niya? Nakatungtong man siya ng kolehiyo ay first-semester lang dahil nang mamatay ang kanyang ina ay tuluyan na silang naghirap. Nalulong ang ama niya sa alak at bisyo habang ang mga kapatid naman niyang lalaki ay tila wala na yatang pangarap sa buhay dahil umaasa na lang sa kinikita niya sa parlor. Paminsan-minsan ay suma-sideline sa construction pero hindi pa rin sumasapat sa kanilang apat.

Simula nang mawala ang kanyang ina, dalawang taon na ang nakararaan ay tuluyan na ring nagbago ang buhay nila. Pero kung ang mga kapatid at ama niya ay tinanggap nila na hanggang doon na lamang ang buhay nila, siya naman ay hindi. Libre na nga lang ang mangarap, pakakawalan pa ba ni Wella? Iyon na yata ang pinakamasaklap na mangyayari sa buhay niya kung titigil na siyang mangarap.

Nang makarating si Wella sa sakayan ay siya lamang ang naroroon. Hindi naman gaanong madilim ang daan at may mangilan-ngilang tao namang naglalakad kaya tingin niya ay ligtas naman kung mag-aabang siya roon ng jeep. Alas-otso na ng gabi at sigurado siyang hinahanap na siya ng kanyang mga kasama sa bahay. Pihadong siya na naman ang hinihintay para makakaain ang ama at mga kapatid. Hindi dahil nasanay ang mga itong kumain nang sabay-sabay kundi dahil siya ang madalas magluto sa kanila. Wala naman kasing may kusang kumilos sa mga kapatid niya kaya siya na lang ang inaasahan ng mga ito kahit pa sa gawaing-bahay. Tutal, siya naman daw ang unica hija sa pamilya ay siya raw ang nasa trono para gawin ang mga bagay na ginagawa ng nanay niya noong nabubuhay pa — ang pagsilbihan sila. Kibit-balikat na lamang na tinanggap ni Wella ang bagay na iyon at ginawa na lang ang kung anong dapat gawin para matanggap siya ng ama at ng mga kapatid. Masaya rin naman siyang pinagsisilbihan ang mga ito at wala rin namang reklamo ang pamilya niya.

Habang abala sa paghihintay ng sasakyan si Wella ng masasakyan ay nakaramdam siya ng gutom. Mabuti na lamang at may biskwit siyang binili kanina bago umuwi kaya kinuha niya iyon sa bag para sana kainin at maibsan ang nararamdamang pagkalam ng tiyan. Binuksan niya ang biskwit at kumuha ng isang piraso nito.

Akma na sanang kakagatin ng baklita ang tinapay nang maramdamang may kumalabit sa kanyang likuran. “Utoy, baka puwedeng makahingi ng pera. Pangkain ko lamang.” Isang nakakaawang matanda ang siyang bumungad sa kanyang likuran at nakalahad ang palad na wari'y namamalimos. Napalitan ng awa ang nararamdamang gutom ni Wella. Pero hindi niya palalagpasin ang itinawag ng kaawa-awang matanda sa kanya.

“Nanay, 'utoy'?  Putok na putok ang make up ko tapos tatawagin mo akong utoy,” inis na wika ni Wella. Bumuntonghininga muna siya bago muling nagsalita. “Pero wala na po akong pera, pamasahe ko na lang po ito pauwi. Ito po ang biskwit, sa inyo na lang,” alok niya sa matanda at ibinigay ang kakainin sana niya.

“Salamat. . . dahil sa kabaitan mo ay gagantimpalaan kita,” wika ng matanda.

“Ay! Hala siya!” May pagsinghap na napahawak sa dibdib si Wella nang biglang lumikha ng nakasisilaw na liwanag ang paligid. “Kaloka!” Hindi tuloy mawari ni Wella ang gagawin: kung tatakbo ba siya o hihintaying himatayin na lamang.

Sa isang iglap ay isang matabang bakla na naka-full packed make up ang lumitaw sa kanyang harapan. Nakasuot ito ng rainbow gown at pink ang pakpak.

“Ay! Bakla! Ang bongga ng entrance mo! Saan ang gay pageant? Kasama mo ba si lola kanina?” ang tila may panunuksong wika ni Wella.

“Gaga! Ako rin ’yon! Nagpanggap lang akong mashonda para malapitan ka at ipakilala ang aking napakagandang sarili,“ saad naman ng kausap niya na kanina lamang ay kawawang matanda.

“Eh, sino ka ba?” Tumikwas ang kilay ni Wella nang itanong iyon sa baklang mukhang parot.

“Ako lang naman si Beki-god mother. Ang diwata ng sangkabaklaan mula sa kaharian ng Bekingham Palace,” pakilala nito na tumulala sa hangin na tila ba may ini-imagine.

“Bekingham Palace? Hindi ba, Buckingham Palace 'yon?”

Mula sa pagkatulala ay pairap na bumaling ang tingin ni Beki-god mother kay Wella. “Gaga! May pakialam ka pa sa pangalan ng palasyo namin!”

Napatikom ang bibig ni Wella. Oo nga naman, hindi na dapat niya iyon pakialaman. Pero hindi pa rin siya naniniwala na isa nga siyang diwata ng sangkabaklaan. May ganoon ba talaga?

“Okay. Sabi mo, eh,” wika ni Wella na nagdududa pa rin sa sinasabi ng kausap.

“Bilang mabait ka naman at may mabuting kalooban, narito ang iyong gantimpala.” Nang ilahad ni Beki-god mother ang kanyang palad ay pumaibabaw rito ang isang kwintas na nakalutang. Doon lamang siya naniwala na isang diwata nga ang kanyang kaharap.

“Wow! Ang bongga!” Iyon lamang ang tangi niyang nasabi. Nakalutang na pumunta sa kanyang palad ang nasabing kwintas. Manghang-mangha ang baklita sa nasasaksihan na tila ba mahika ang kanyang nakikita.

“Iyan ang Bekwintas. Ang pangarap mong maging isang ganap na babae ay tutuparin niyan. At kahit anong hilingin mo ay ibibigay niyan sa iyo,” paliwanag ni Beki-god mother sa kanya habang titig na titig siya sa kulay gintong kwintas na may hiyas na hugis ng isang sirena. “Ngunit may kondisyon,” saad pa niya.

“Ano naman iyon?” tanong ni Wella.

“Maari lamang tumalab ang epekto ng Bekwintas sa ganap na alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng madaling araw. Pagkatapos n'on, babalik ka na sa tunay mong anyo. Hindi ka maaaring mahuli ng kahit na sino oras na mawala ang epekto ng Bekwintas,” dagdag pa niya.

Muli niyang ibinaling ang tingin sa kuwintas at naisip na matutupad na rin ang pangarap niya na maging babae.

“Eh, paano kung—” Itatanong pa sana niya kung ano’ng mangyayari oras na may makakita sa kanya kapag bumalik ba siya sa dati niyang anyo pero nang ibaling niya ang tingin sa kinaroroonan ni Beki-god mother ay wala na ito.

Luminga-linga si Wella sa paligid pero wala nang naroroon kundi siya at ang kuwintas na hawak. Totoo nga kaya ang sinasabi ni Beki-god mother na magagawa siyang gawing babae ng isang kuwintas lamang?

Mga Comments (2)
goodnovel comment avatar
Riz Monreal
In fairness, pang matagalan ang effect ng bekwintas, hindi tinipid sa oras. ...
goodnovel comment avatar
Batangueña03
edi naol may beki god momi..hahaha
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status