Share

Chapter 4

Napatalon talon ako at parang may sariling buhay ang katawan kong sumasayaw ng mag-isa na walang musika. Hinawakan ko pa ang saya ng aking roba at nakangiting umikot ikot. Napawi ang ngiti sa'king labi ng mapagtanto na hindi na ako ang may kontrol sa katawan ko.

“Munting binibini. Lapit, lumapit ka..” wika ng isang tinig sa may puno. 

Pilit kong pinipigil ang aking katawan ngunit ayaw nitong sumusunod sa'king kagustuhan. Natataranta na ako sa takot. Patuloy lang sa pag-ikot at pagsaliw sa hangin ang aking katawan. Hindi ko alam ang gagawin ko’t ang dapat kong isipin.

“Konsentrasyon, Pillow..” mula sa kung saang tinig.

Napawi ang aking takot ng mapag-sino ang boses na iyon. Agad akong pumikit at inisip kong anong gusto ko. 

“Gusto kong makaalis sa lugar na ito..”

“Gusto kong makaalis sa lugar na ito..”

“Gusto kong makaalis sa lugar na ito..” paulit ulit kong usal hanggang maramdaman ang pag-init ng katawan ko at hiyaw ng isang matinis na boses ng babae.

Sa pagmulat ng aking mata ay na sa ibang lugar na ako. Kitang kita ang maliwanag na buwan sa madilim na kalangitan. Nawalan ako ng balanse kaya’t napasalpak ang aking pang-upo sa lupa. Mahina ang bawat daing ko habang pinipilit na tumayo. Hawak ko sa kabilang kamay ko ang lampara at nakasukbit sa'king balikat ang supot kong dala. 

“Nakapagtatakang hindi namamatay ang ilaw sa lamparang ito. Anong sikreto mo?” wika ko sa gitna ng dilim. Iika ikang naglakad ako sa pinakamalapit na bato. Nangliliwanag pa ang ibang parte noon dahil sa sinag ng buwan. Mistulang dyamante ang bato ito sa gilid ng batis.

Agad akong naupo at ipinahinga ang na nanakit kong balakang. Ibinaba ko ang lampara at ang supot sa gilid ng bato. Isinandal ko ang aking likuran at sininghap ang sariwang hangin.

“Nagugutom na ako,” wika ko habang nakatingala sa kalangitan. Nais kong kumain ngunit ano namang kakainin ko? Luminga linga ako sa paligid upang maghanap ng pwedeng kainin. 

Agad na nanubig ang aking bibig nang masulyapan ang makintab na kulay pulang bunga sa isang puno na nasa gitna ng batis. Umaagos sa mga ugat nito ang malinaw na tubig na nagmumula sa hilaga. 

 Iwinaglit ko na sa'king isipan ang naganap kanina sa gitna ng kagubatan. Ang bawat espasyo ng aking utak ay okyupado ng pagkalam ng aking sikmura. Gustong gusto kong matikman ang bungang iyon. 

Gustong gusto kong malasahan ang katas na lalabas sa bawat pagnguya ko. Nais kong namnamin ang aroma ng pagkaing iyon. Sa pag-iisip ay hindi ko namalayan ang aking mga paang naglakad sa gitna ng batis. 

Mabilis na nanumbalik ako sa katinuan ng maramdaman ang malamig na tubig sa'king dibdib. Akala ko ay mababaw lamang ito ngunit laking gulat ko nang makitang hanggang dibdib ko na pala ’yon.

Agad akong napaatras nang may dumaan na maliwanag na nilalang mula sa tubig. Kulay ginto rin ito. Bakit ba lahat na lamang nang nakikita ko ay kulay ginto? “Wala ka namang ibang alam na kulay bukod sa asul, dilaw, ginto, pula, kahel at berde,” bulong ng aking isip. 

Naiiling na ihinakbang ko ang paa ko upang umahon. Bumigat ang aking roba dahil sa pagkabasa nito. Nahihirapang inabot ko ang pinakamalapit na ugat ng puno. Ginawa ko itong gabay upang makaahon. 

Bahagya pa itong umigting nang hawakan ko. Napatingala ako sa sa puno. Tila may sariling buhay ito. Gulat ang bumalantay sa aking mata ng makita kong gaano ito kataas. Tila isang normal lamang na puno ito nang masulyapan ko kanina. Ngunit nang narito na ako sa tabi nito ay ganoon na lamang ang pagkagulat ko.

Mula sa malayo ay may maririnig na papalapit na malakas na agos. Nagmamadaling naglakad ako patungong pangpang. Subalit napakabilis ng agos na iyon. Papalapit nang papalapit ito sa'kin at hindi ko alam ang gagawin.

Hanggang sa ilang milya na lamang ang lapit nito mula sa akin. Tumigil na lamang ako at bahala na kung anong mangyayari sa ’kin. Kahit anong gawin ko ay aanurin din naman ako, kaya’t bakit pa ako mag-aabalang iligtas ang sarili ko.

Nakapikit ang mata ko habang hinihintay ang paghampas ng malakas na tubig sa'king katawan. Ngunit wala. Isang mahigpit na bagay ang pumulupot sa'king bewang. Sapat lang para sa laki ng aking katawan ang ginawa nitong pagkapit. 

“Bakit hindi mo iniligtas ang sarili mo?” tanong ng isang malaking boses habang naka-angat ako sa ere. Iniupo ako nito sa kaniyang sanga. Nagmumula ito sa puno sa gitna ng batis. 

Ilang minuto pa bago ko nakapa ang isasagot ko sa kaniya. “Kung aanalisahin, ilang segundo na lamang ay lalapat na ang rumaragasang tubig sa'king katawan. Kung magpapatuloy ako sa paggalaw hindi ko magagawang mailigtas ang aking sarili dahil sa pagkataranta,” ani ko at piniga ang roba kong basang basa.

Tumawa ito ng malakas kaya’t muntik na akong mahulog dahil sa pag-uga ng kaniyang katawan. Mabuti na lamang at maagap ang kaniyang mga sanga upang hawakan ako. 

“Pasensya ka na. Ngayon lamang ako muling nakatagpo nang katulad mo. Ilang taon na rin mula nang nakatagpo ako ng kulay kahel na dalaga na kasing tapang mo. Ngunit ang pinagkaiba niyo lamang ay ang kulay ng balat niyo at ang pag-aalinlangan sayong mata,” usal nito sa mababang boses. 

Tila may lungkot ang kaniyang tinig. Mahihimigan din sa kaniya ang panghihinayang at pangungulila. Siguro’y napakalapit nila sa isa't isa.

“Ano pong nangyari? Bakit po tila nalulungkot kayo?” 

Gumalaw ang katawan nito at ipinulupot ang kaniyang sanga sa'kin. Ibinababa ako nito sa ugat niya na bahagyang naka-angat sa batis. Sapat na ng taas nito upang hindi ako maabot nang tubig. Ngunit, naabot ito nang paa ko. 

“Ilang libong taon na ang lumipas nang mapadaan siya sa’kin. Ang tapang at anyo ng dalagang iyon ay nakakabighani. Ang kapangyarihan dumadaloy sa kaniyang katawan ang siyang nakakabahag ng buntot. Mismong ako na tagapag-bantay ay kinilabutan nang sandaling sunugin niya ang buong kagubatan,” turan nito sa may bahid ng pagkamangha.

Naiisip ko pa lamang ang malaking sunog sa paraisong ito ay agad akong nalungkot at nakaramdam ng galit. Bakit naman niya susunugin ang ganito kagandang lugar? 

“Sa pangalawang pagdaan niya sa lugar na ito. Ay bitbit niya ang napakagandang bata. Kahel din ang kulay ng kaniyang buhok. Kumikintab ito sa madilim na kakahuyan. Ang mga alitaptap ay nasisiyahang sumusunod sa kanila at itago ang mag-ina sa isang puno upang hindi mahanap ng mga kawal ng propesiya,” dagdag pa niya.

Patuloy lang ako sa pakikinig sa kwinekwento niya. May kung ano sa puso ko ang kumikirot dahil sa kwentong ito. “Kumain ka muna. Alam kong nagugutom ka,” wika nito at inabot ang kulay pulang bunga. 

“Salamat po!” magiliw kong ani at agad na kinagat iyon. 

“Gusto mo pa bang ikwento ko ang tungkol sa iyong in— sa babae?”  

Tumango na lamang ako at hindi na umimik pa.  Ang sarap kasi ng bungang ito. Napakatamis at kakaiba ang lasa.

“Lumipas pa ang ilang taon, muling nagbalik ang babae. Nakasuot ito ng pulang kimono,” natigilan ako sa pagbanggit nito ng pulang kimono. Nabitin ang pagkagat ko sa bunga at matamang tumitig sa kaniya. Napansin siguro ng puno ang pagkatigil ko. “Anong problema?” tanong niya.

Umayos ako ng pagkakaupo at sinagot siya, “Nang pumasok ako sa loob ng way of hell nakita ko rin ang babaeng nakapulang kimono at kulay kahel ang buhok ng isang batang babae,” ani ko na ikinawasiwas ng kaniyang mga dahon. Tila isang punong hinaplit ng malakas na hangin ang kaniyang itchura.

“Anong problema?” tanong ko sa kaniya.

“Hanggang dito na lamang ang maikukwento,” kapag kuwang ani niya. Binigyan pa niya akong muli ng bunga. 

“Dito ka muna magpalipas ng gabi. Saan ba ang tungo mo?” 

“Sa Rolean Academy po,” sagot ko. 

“Mag-aaral ka?” Tumango ako bilang sagot at inubos ang unang bungang ibinigay niya.

“Mag-iingat ka sa loob noon. Hindi simpleng paaralan ang papasukan mo. Bilang tanda ng pagkakaibigan natin, ito ang isang munting regalo mula sa Golden Forest. Kung kakailanganin mo ang tulong ko, hipan mo lamang ang gintong dahon na ito,” ani niya at inabot ang gintong dahon. 

Natutuwang inabot ko ito at pinagmasdan. Binali-baliktad ko pa ito.

 “O siya matulog ka na.” 

Pinulupot nitong muli ang kaniyang sanga sa’king bewang at inangat ako sa tuktok ng kaniyang sanga. Nakahelera ang mga dahon niya na nagmistulang kama at unan. May mga bulaklak rin sa paligid.

“Matulog ka na. Magandang gabi, Pillow.”

Magtatanong pa sana ako dahil sa paano niyang nalaman ang pangalan ko gayoong hindi ko naman ito nabanggit sa kaniya. Pumikit ng tuluyan ang mata ko nang sandaling ihiga ako nito sa kaniyang sanga.

Pagkagising ko sa umaga ay maraming prutas ang nakapaligid sa’kin. “Magandang umaga, gising ka na pala. Kumain ka na at maghanda sa unang araw ng pamumuhay mo,” bati nito kaya mabilis akong bumangon. Kumain ako at ibinababa ng sanga ng puno. 

“Subukan mong manghuli ng isda,” ani nito na mabilis ko naman ginawa. Sa una ay nahihirapan pa ako dahil hindi ko alam ang gagawin. Nasanay akong nakahain na sa hapag ang kakainin namin ni tanda. Kumusta na kaya si tanda?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status