Share

AMBER LEONDALE IMPERIAL

CHAPTER ONE

"'Di ba kagabi ko pa kayo pinalayas dito sa bahay ko? Ba't nandito pa kayo?"

Kasalukuyan akong nagbe-breakfast habang sila naman, sinisira ang araw ko. Nasa harap ko ngayon ang stepmother at ang mga stepsisters ko. Kagabi ko pa sila pinaalis kaya umiinit na naman ang ulo ko.

"Pero Amber, wala na kaming mapuntahan ng mga kapatid mo." 

Nabitawan ko ang kutsara dahil sa sinabi niya at dahan-dahang napalingon sakanila. 

"Nagpapatawa ka ba? Walang mapuntahan? Eh, nasaan na pala 'yong mga perang nahuthot mo sa Papa ko? At please, kapatid? Hindi kasing kinis ko 'yang mga anak mo." 

Humahangos na napatayo ang stepmother ko habang nasa gilid naman ang mga anak niyang pinaglihi sa uling, nakayuko lang ang mga ito. Dapat lang na manahimik sila.

"'Wag kang magsalita sa'min ng ganyan. Asawa pa rin ako ng Papa mo. May karapatan pa rin ako sa bahay na 'to!" sigaw ni Verna, ang stepmom ko.

Walang ganang tumayo rin ako. "Wala kang pag-aari dito. Lahat ng 'to sa mama ko lang. Walang sa'yo dahil kabit ka." Dinahan-dahan ko ang pagsasalita para maintindihan niya kasi mukhang mahina ang utak nilang mag-iina.

Hindi ko makakalimutan kung paano namatay ang Mama ko. Dahil sakanya, naaksidente ang Mama ko. Dahil sakanya, nasira ang pamilya ko. Naging kabit siya ng Papa ko at nasaksihan ni Mama lahat ng 'yon kaya wala siyang karapatan. 

Isa siyang mamamatay tao.

"Kailan mo ba tatanggapin na mas minahal ako ng Papa mo kaysa sa mama mo, Amber?" nakangiti niyang tanong, nang-iinis.

Hindi na ako naaapektuhan ng mga salitang 'yan.

"Kung akala mong magbabago ang isip ko dahil sa bagay na 'yan, hindi, Verna. Aalis pa rin kayo kaya mag impake na kayo. 'Wag niyong hintaying ako ang gagawa." Tsaka ko sila tinalikuran lahat.

Ngayong patay na si Papa wala nang magtatanggol sa kanila. Wala nang po-protekta. Aalis sila dahil 'yon ang gusto ko.

Bwesit. Gusto ko pa naman ang hinandang breakfast. Hindi ako pwedeng magtagal doon at baka kaladkarin ko silang mag-iina sa basurahan. Mga walang kwenta.

Tingin ng iba, ako si Cinderella dahil sa pagkakaroon ko ng stepmother and stepsisters pero sa pagkakaalam ko, si Cinderella masyadong mahina, hinahayaan niyang gawin siyang alipin ng walang kwenta niyang stepmother. Hindi naman ako ganoon. Siguro, ako pa rin si Cinderella pero 'yong kontrabida. Dahil ako, hindi ko hahayaang gawin ng Verna na 'yon na magreyna-reynahan sa palasyo ko. Hindi ako magiging mahina.

Dumiretso ako sa kotse, agad naman itong umandar. 

Ang pagkamatay ni Mama, kasalanan ni Verna. Naging kabit siya ng Papa ko at nasaksihan ni Mama lahat ng 'yon. Dahil sa sakit, lungkot at galit, naaksidente ang Mama ko. Isang car accident ang nangyari. Galit ako kay Papa dahil pagkatapos na mamatay ni Mama, dinala niya agad ang babaeng 'yon sa bahay namin dala pa nito ang mga anak na pinaglihi sa uling. Kahit mahal siya ni Papa, wala akong pake, wala pa rin siyang karapatan sa kayamanan ng pamilya ko. 

Ang pagiging kontrabida ko, may dahilan.

Mainit ang ulo ko na papasok ngayon. Nabu-bwesit ako dahil nagugutom ako. Masarap pa naman ang pagkain na hinanda kanina. Bwesit talaga 'yong mga basurang 'yon. 

Hindi ko namalayang nakarating na pala kami ng school. Hindi ko na hinintay na pagbuksan ako ng pinto ng driver, padabog akong bumaba. Dire-diretso na rin akong pumasok at hindi na lumingon. 

Marami akong narinig na tumawag sa pangalan ko at bumati pero wala akong nilingon ni isa. Ba't ako magsasayang ng laway at lakas sa mga walang kwenta? Galit ako ngayon.

Mabilis akong naglakad hanggang sa makarating ako sa building ko. Hindi na'ko nagulat nang biglang sumulpot sa gilid ko si Farrah at inakbayan ako.

"Hello, friend! Mukhang maganda ang umaga mo." nakangiti niyang sabi. Parang anytime mapupunit na 'yong labi niya sa sobrang lawak ng ngiti niya. Nakakapikon.

Umiling ako. "Mali ang sinabi mo. Hindi nga kita kaibigan."

Ewan ko ba kung bakit ko naging close 'to? Wala namang talent na ikatutuwa ko ang babaeng 'to. Nakakainis 'yong pagiging madaldal niya, pagiging isip-bata at tanga pero nakakatagal naman ako. 

"Ha? Hindi ba maganda ang umaga mo?" nakangiwing tanong niya na inirapan ko.

"Sa tingin mo? Kailan pa naging masaya ang mga nakasimangot?"

Malungkot na kumapit siya sa braso ko habang paakyat kami ng hagdan. Mas lalo akong napasimangot nang maramdaman ko ang bigat niya sa braso ko. Kapit na kapit siya!

"Miss mo na ba ang Mama at Papa mo? Pwede ka namang pumunta sa bahay, eh para hindi ka malungkot." Nguso niya.

Natigil ako sa paglalakad at nilingon siya. Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ko siyang mawala dahil totoong kaibigan si Farrah. Nasasabi ko lahat ng problema ko sakanya pati mga sekreto. 

"Oo. Miss na miss ko na sila. Nakikita ko na nga sila kahit saan, eh. Nababaliw na'ko."

"Nakikita mo sila?!"

"Oo. Actually, ngayon nakikita ko sila sa likod mo." Nguso ko sa likod niya.

Agad n'ya akong niyakap at nagtago sa gilid ko. Hindi ko na pinigilan ang tawa ko nang makita ko ang itsura niyang parang maiihi na sa takot. Biro lang naman 'yon. Gusto ko lang makita kung anong itsura niya na natatakot. Ang bait ko.

Pinagpatuloy ko ang pag-akyat ng hagdan. Sinundan niya naman agad ako habang lingon nang lingon sa likod at gilid. Mahigpit na mahigpit rin ang kapit niya sa braso ko.

"Alam mo, tigilan mo na 'yan. Nagbibiro lang naman ako kanina atsaka hindi nakakatakot ang itsura ng parents ko. Ang gwapo kaya ni Papa tsaka maganda si Mama." sambit ko.

"Wala naman akong sinasabi, ah?!" singhal niya sa'kin.

"Wala ka ngang sinasabi, pinapakita mo namang takot ka. Nanginginig ka nga, oh!" Tinaas ko pa ang kamay niyang nakakapit sa'kin.

Nakarating kami ng classroom na praning pa rin siya. Napapangiwi at napapairap na lang ako sa tuwing nabubunggo siya sa likod ko dahil lingon siya nang lingon. Parang tanga!

Natahimik ang lahat nang pumasok kami sa loob ng classroom. Dire-diretso akong naglakad sa likod para doon pumwesto habang hila pa rin si Farrah. Hindi ko pinansin ang mga matang nakatingin sa'kin. Mamaya, pag-uusapan na naman kung anong make-up ko, kung anong sinuot kong alahas, kung paano inayos ang buhok ko. Mga walang kwenta.

Pansin ko ang todo iwas ng mga estudyante sa'kin. Siguro dahil masama ang ugali ko. Kilala ako bilang spoiled brat, maldita,walang galang na Imperial. Ang nag-iisang Imperial na masama ang ugali.

Pinanliitan ko ng mata ang babaeng nakita kong lumingon samin. Kilala ko ang babaeng 'to, eh kilala siya sa pagiging chismosa. Nagpapakalat ng maling balita. Agad naman siyang tumalikod at diretsong tumitig sa pisara. Nagagalit ako kapag pinagchi-chismisan ako. Subukan lang niyang ibuka ang bunganga niya, mapapahiya siya.

Natigil ako sa pag-iisip kong paano patatahimikin ang chismosa nang may kumalabit sa'kin.

"Ali, punta tayong mall later?" inosenteng tanong ni Farrah habang pinaglalaruan ang ballpen ko.

Natulala ako sakanya. Dahil sa pagtawag niya sa'kin ng, Ali. Ali, Amber Leondale Imperial. Ang parents at grandparents ko lang ang tumatawag sa'kin ng ganoon. Si Mama ang nagbigay sa'kin ng nickname na Ali. Hindi ko na ulit narinig ang pangalang 'yon nang mamatay silang lahat, ngayon lang kaya nagulat ako. Nakakapanibago.

Nanlaki ang mga mata ni Farrah. "Ay, sorry! Amber, sorry. Ayaw mo ba na tinatawag kitang ganoon?"

Hindi ako nakasagot.

"Amber. Sorry na. Friends pa rin tayo, 'di ba?!" Paiyak na siya.

Bumuntong-hininga ako at hinila ang ballpen kong kagat-kagat niya na. Nakikita ko kasing nauubos niya na 'yong ballpen. Mahal pa naman 'to.

"You can call me, Ali. And yeah, sige. Punta tayong mall." Sang-ayon ko.

Wala naman akong gagawin mamaya. Baka kapag nagkulong ako sa bahay, atakehin lang ako sa puso. Nakakainis ang pagmumukha ng mag-iinang 'yon. 

"Ali! Ali! Ali!" 

"Tumahimik ka nga, Farrah." saway ko sakanya.

Paulit-ulit niyang binabanggit ang pangalan ko. Nakakarindi. Sana hindi ko na lang siya pinayagang tawagin ako sa pangalang 'yon. Pero okay na rin dahil nami-miss ko na ang tinatawag na ganoon. Nami-miss ko na sila Mama.

Nang dumating ang teacher, hindi na ulit ako kinulit ni Farrah. Talagang seryoso siya sa pag-aaral dahil ayaw niyang madismaya ang mga magulang niya. Matalino naman si Farrah, eh tsaka hindi naman strikto ang parents niya. Ewan ko kung bakit siya ganyan.

Naalala ko tuloy si Papa, medyo strikto siya pagdating sa grades ko kaya nahilig ako sa pagbabasa. Parati akong nangunguna sa klase dahil 'yon ang gusto niya. Siya ang parating kasama ko pagdating sa pag-aaral kaya close kami pero nang magsimula siyang mangbabae, lumayo na ang loob ko sakanya. Hindi naman ako nagalit sakanya pero hindi ko siya kayang kausapin dahil nalulungkot ako sa ginawa niya.

Nang matapos ang klase, pinagpatuloy ni Farrah ang pangungulit sa'kin. Akala ko, habang buhay na siyang tatahimik. Kahit pababa kami ng hagdan, hinihila-hila niya ako. Todo kapit naman ako dahil baka mahulog kaming dalawa sa kakulitan niya. Para siyang bata! Naiinis na'ko!

"Farrah. Kapag hindi ka pa tumigil. Friendship over." seryosong sabi ko.

Natigil siya at ngumuso. "Sorry. Excited lang kasi ako, eh." 

Umirap ako at tinanggal ang braso niyang nakapulupot sa'kin. "Naiintindihan ko. Pero nasa hagdan tayo, babae. Baka gusto mong sabay tayong gumulong dyan pababa?"

Umiling-iling siya. "Hindi. Sorry, Ali. Let's go."

Naiintindihan ko ang ugali ni Farrah. Apat silang magkakapatid at bunso siya. Baby ang turing sakanya ng family niya kaya isip-bata! Pero minsan, mature naman siya. Madalas, bata talaga!

Habang naglalakad kami sa hallway, natigil kaming dalawa ni Farrah nang humarang sa dadaanan namin ang mga nagkukumpulang estudyante. Halos babae pa!

Ano bang meron?

"Anong nangyayari doon?" Rinig kong bulong ni Farrah.

Hindi ko alam kung anong nangyayari. Sumisigaw at tumitili ang mga ito, kapag nagtagal pa'ko dito, siguradong basag ang eardrums ko. 

Hindi ko pinansin ang mga estudyante at talagang sumiksik pa'ko para lang makadaan. Nasabunutan, naapakan at nabangga ako pero hindi ko 'yon pinansin dahil gusto ko na talagang makaalis. Nang malapit na'kong makalabas, hindi ko na talaga kinaya. Kitang-kita ko kung paano tumulo 'yong dugo sa braso ko na nagpatigil sa paghinga ko, nakalmot ako.

Bwesit. Sana hindi na lang ako sumiksik.

"Oh, my gosh, Amber! You're bleeding!" nagpapanic na sigaw ni Farrah habang nakatingin sa braso ko.

Tuloy-tuloy pa rin ang sigawan at tulakan. Naiinis na binaba ko ang braso at pinagtutulak ang mga estudyanteng malapit sa'kin. Pero napapikit na lang ako nang mas lalo pang dumami ang mga estudyante, wala na akong lakas dahil sa hapdi ng sugat ko. Hindi ko na rin nakita si Farrah.

Paulit-ulit akong nabangga at tinulak ng mga walang kwentang estudyante. Gustong-gusto ko na ngang sumigaw pero alam kong hindi nila ako maririnig. Sa dami nilang sumisigaw at tumitili, talagang walang makakarinig sa'kin. Nakakainis.

Nang makita kong malapit na akong makalabas, sumiksik ako nang sumiksik pero nanlaki ang mga mata ko nang may biglang malakas na bumangga sa'kin kaya tumalsik ako palabas sa kumpulan nila. Naiiyak na napahawak ako sa braso na tumama sa bato. Pumikit ako ng mariin.

"SI AMBER 'YAN, 'DI BA?!"

"TULUNGAN NIYO SIYA!"

"ANONG NANGYARI SAKANYA?!"

"TULONG! TULUNGAN NIYO!"

Comments (1)
goodnovel comment avatar
alanasyifa11
what a cool story! if only there is a translated version of this... btw can i follow your social media acc?
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status