Share

JACINTO ROMAN

Chapter two

Napadaing ako sa sakit ng siko, tuhod at balakang. May mga malalaking kalmot pa'ko sa braso na lalong nagpagalit sa'kin. Mga walang kwenta! Kapag nagka-peklat ako sa braso, mamatay na sila.

"'Wag niyo akong hawakan! Mga bwesit!" Sigaw ko nang akmang hahawakan nila ako para maitayo.

Nagsipag-atrasan agad ang mga ito sa takot. Kung kanina, para kaming nasa palengke dahil sa ingay ngayon, para kaming nasa game show, ang mag-iingay, matatanggal. Halos pati paghinga, tinatago nila sa'kin. Mga siraulo.

Dahil sa gulo kanina, nagkalayo kami ni Farrah. 'Di ko na siya nakita at hanggang ngayon, wala pa ring lumalabas! Bakit ba kasi ang gulo nila? May pumunta bang artista kaya para silang mga kiti-kiti kanina?

Walang nagtangkang lumapit sa'kin. Lahat sila nakayuko na at ang iba, pasimple nang umaalis. 

"Miss, dalhin na kita sa Clinic." 

Tinignan ko ng masama ang taong lumapit at yumukod sa harap ko.

"'Di kita kailangan. Umalis ka sa harap ko." Seryoso kong sambit.

Hindi ko kailangan nang tulong ng kahit na sino. Kaya ko ang sarili ko. Kaya kong pumunta ng Clinic, mag-isa. Walang tutulong sa'kin kahit na si Farrah.

Ginalaw ko ang mga paa ko para subukang tumayo pero mukhang hindi ko magawa. Yumuko ako at pumikit nang mariin tsaka sinubukan ulit na igalaw ang mga paa ko pero mukhang hanggang dito na'ko tatambay buong maghapon, hanggang sa mawala ang hapdi at kirot ng tuhod at balakang ko. Shit naman.

"Ano? Gagapang ka na lang papunta ng Clinic?" Tanong niya ulit na hindi ko pinansin.

Sa halip, luminga-linga ako sa paligid baka sakaling makita ko si Farrah at mabatukan. Kapag talaga mga ganitong sitwasyon, wala akong aasahan sa kanya. Pinipilit ko na lang ang sarili na ituwid ang mga paa para makatayo na'ko. Ayoko pa ring magpatulong. 'Di ko naman siya kilala.

Nakita kong umirap ang lalaki at tumayo. Nakatutok lang ang paningin ko sa sapatos niya at nagtaka ako dahil ang tagal niyang umalis. Nasa harapan ko pa rin siya habang nakababa ang tingin sa'kin. 'Di ko pinansin 'yon at ginalaw nang ginalaw ang paa. 

"Ano ba? Nakikitaan ka na sa pagiging masungit mo." 

Hindi na'ko naka-react nang muli siyang yumukod at hinila pababa ang dulo ng skirt na suot ko. Hindi ko na namalayang tumataas na pala 'yon dahil sa pagiging malikot ko. Nanigas na'ko ng tuluyan dahil dahan-dahan at walang kahirap-hirap niya akong binuhat. 

"A-anong ginagawa mo?" Nauutal na tanong ko sakanya.

Binaba niya ang tingin sa'kin at ngumiti. "Kahit ang bata, alam ang sagot dyan. Syempre, binubuhat."

"Pinipilosopo mo ba ako?" Nanlalaki ang mga matang tanong ko. 

"Kung alam ko lang na mangyayari ang ganoon, sana hindi na lang ako dumaan sa building na 'yon." Rinig kong bulong niya na kinakunot ng noo ko. Nababaliw na ba siya?

Iniwas ko ang tingin sa leeg niya at kumapit na lang ng mabuti. Ayokong mahulog dahil masyado siyang matangkad at sigurado akong kapag nahulog ako, mababalian ako. Madadagdagan lang ang sakit ng katawan ko!

Halos lahat ng nadadaanan namin napapalingon at sinusundan kami nang tingin. May iba pang nagbu-bulungan na agad kong sinasamaan nang tingin. Mga chismosa. 

Mabilis kaming nakarating ng Clinic. Maingat na tinungo niya ang bakanteng kama at dahan-dahan akong nilapag doon. Nilagay niya rin ang bag ko sa gilid na ikinagulat ko. 'Di ko kasi nakita 'yon kaninang bitbit niya.

"Stay here. Tatawagin ko lang ang nurse." Paalam niya na hindi ko na naman pinansin ulit. 

Ang sabi ko kanina, 'di ko kailangan ang tulong niya. Bahala na siya.

Bumuntong-hininga siya nang makitang wala akong planong sumagot bago lumabas. Sana kasi iniwan niya na lang ako kanina. 'Di naman siya si Superman at wala na siyang pake kung gumapang ako papunta dito, 'no!

Inis na tinakpan ko ang ilong nang may maamoy akong 'di maganda. Ayoko talaga sa lugar na 'to lalo na ang hospital. Ayoko sa itsura at amoy ng lugar. Amoy nakakadiri.

Saan naman kaya nagsusuot si Farrah? Talaga hindi ko na siya nakita kanina. Ano 'yon? Umuwi na? Iniwan ako? Tsk. Friendship over na talaga. 'Di ko siya pagbibigyan kahit lumuhod siya sa harap ko at magmakaawa habang tumutulo 'yong sipon.

Natawa ako sa naisip. Nai-imagine ko pa lang sumasakit na 'yong tyan ko kakatawa. Isip-bata pa naman 'yon. Ang sabi nga sa'kin ni Tita, kumakain daw ng kulangot si Farrah noong bata pa. Kadiri!

Bago pa'ko mag mukhang baliw, tumigil na'ko kakatawa. Sakto namang may pumasok sa pinto. Pumasok ang lalaking bumuhat sa'kin, nakasunod ang babaeng sexy, maganda at mukhang nasa 20's pa ang edad. Sa tingin ko, siya ang nurse.

"Nurse Kath, may mga kaunting galos po siya sa tuhod, braso at siko." Sambit ng lalaki.

Ngumiti naman ang nurse at nilapag lahat ng gamit niya sa table.

"Naku! May iba pa bang masakit sa'yo?" Malambing na tanong nito habang nakatingin sa lalaking kasama ko tsaka bumaba sa'kin.

'Di ako sumagot. 'Di niya naman pinansin dahil mukhang nag-eenjoy siya sa pag titig dito sa kasama ko. Mukhang ini-xray niya na ang katawan nito gamit ang mga malalagkit niyang tingin. Kadiri naman. Mukhang makakakita pa'ko ng live show dito sa kwarto. Gosh, porn.

Lumapit sa'kin ang nurse. Sinubukan niyang buksan ang long sleeve ko pero mukhang hindi niya alam kung paano magbukas ng butones. Ano 'yon? Napangiwi naman ako nang dali-daling lumapit ang lalaking nasa gilid ko para tulungan ang nurse na may malaking kinabukasan. Sumama na ng tuluyan ang mukha ko nang aksidenteng nagka-hawak sila ng kamay. Aksidente o sadya? Mga ulol. 

Alam ko na ang mangyayari rito. Magkakaroon ng feelings ang mga ito sa isa't isa tapos porn. Saan din naman pupunta 'yon? Edi, porn. Kadiri.

"Pwede ba, mamaya na 'yang landian niyong dalawa. 'Yong sugat ko kasi dumudugo. Konsensya niyo pa kapag namatay ako. Trabaho na tayo, nurse." Plastic pa akong ngumiti para tumigil na sila. Mga walang hiya.

Lumayo samin ang lalaki pero ramdam ko pa rin ang tingin niya. Pinikit ko na lang ang mga mata at hindi pinansin ang bulungan ng dalawa. Hanggang sa matapos ang nurse, kitang-kita pa ng dalawang mata ko kung paano nito hinaplos ang braso ng kasama ko na mukhang wala namang pakealam. Mukhang sanay na. 

Sinuri ko ang mukha ng lalaki. Ngayon ko lang nagawa 'to dahil wala akong ibang inaalala kanina kundi 'yong mga sugat ko. Kaya pala halos lahat nakatitig sakanya at grabe kung makahaplos ang nurse na may malaking kinabukasan dahil gwapo naman talaga siya. Naisip ko 'yong tipo ni Farrah sa isang lalaki, tall, dark and handsome. 'Yon nga siya. He's tall, dark and handsome. Pero wala akong pake.

"So, hindi na ba masakit ang mga sugat mo?" Tanong niya nang makalapit.

Umirap ako. "Hangga't may sugat, may sakit." Masungit kong sagot sakanya.

Bumuntong-hininga siya. "I'm Cin. What's your name?"

Naiinis na nilingon ko siya. "Hindi mo na kailangang malaman. Umalis ka na."

"Masungit. Sige, 'wag mo na lang sagutin. Pero hindi ako aalis."

Bakit ang kulit niya?! Wala ba siyang ibang gagawin?! 

"May hinihintay ka ba? Gusto mong mag-thank you ako?" Inis na tanong ko.

Ngumuso siya. "Bakit? Gagawin mo ba?"

Ngumisi ako. "Hindi. Kaya alis na."

Kinuha niya ang cellphone at may kinakalikot doon. Mukhang ayaw niya talagang makinig kaya naiinis na dinampot ko ang bag na nasa gilid ay kinuha mula sa loob ang cellphone ko.

Agad kong hinanap ang pangalan ni Farrah sa contacts at din-ial. Mabilis niya itong sinagot. Hindi ko na siya hinayaang magsalita at inunahan na siya.

"Pumunta ka rito sa Clinic. Bilisan mo dahil mamamatay na'ko. May 6 minutes na lang ako. Bye." Tsaka ko binaba ang tawag.

Nakita kong napasulyap sa'kin ang bugok at binalik ulit ang tingin sa cellphone niya. Kapag dumating na rito si Farrah aalis na'ko. Bahala na siya sa buhay niya.

Pinadaosdos ko ang katawan pahiga at niyakap ang bag. Pasulyap-sulyap din ako sa lalaking prenteng naka-upo sa couch habang nagce-cellphone. Bahagya pa akong nagulat nang bigla na lang mag-ring 'yon.

Sinagot niya ang tawag habang nakatitig sa'kin kaya umirap ako at nag-iwas nang tingin.

"Tol," rinig kong bati niya. "Nandito ako sa Clinic."

Kaibigan niya ata ang tumawag sakanya at hinahanap siya. Bakit kasi hindi na lang siya umalis?

Tuluyan na akong tumalikod nang bigla siyang tumayo at naglakad papalapit sa'kin. Kinalabit niya ako pero hindi ako lumingon. 

"Labas lang ako. Dito ka lang, ah?" Paalam niya na nginiwian ko.

Ba't siya nagpa-paalam? 'Di naman kami close. Edi, umalis siya!

Pumikit lang ako at tinaasan siya ng middle finger. Matagal bago ko narinig na sumara ang pinto. Bumuntong-hininga ako at dumilat, sayang, 'di ko tuloy nakita ang reaksyon niya kanina pero okay na rin dahil umalis na siya.

Dahan-dahan akong tumayo. Kung totoo lang 'yong sinabi ko kay Farrah na mamamatay na'ko, maagnas na lang ako, 'di pa darating 'yon. Kaya mag-isa akong aalis at uuwi.

"Oh, ba't nakatayo ka pa? 'Di ba mamamatay ka na?"

Bumaling ako sa pinto nang biglang bumukas 'yon at pumasok si Farrah na kumakain ng popcorn at drinks. Mukhang kagagaling niya lang sa sine, ah?

"'Di ka ba marunong kumatok? Labas!" Sigaw ko sakanya.

Nakasimangot siyang lumabas at sinara ang pinto.

Hinablot ko naman ang bag at sinuot 'yon nang may kumatok.

"Pasok. Bukas 'yan." Sambit ko at hinintay ang pagpasok ni Farrah.

'Yan! Matuto siyang kumatok. Kaya ang baba ng grades niya sa values, eh kasi walang galang. 

Nakasimangot siyang lumapit sa'kin at niyakap ang braso ko. 

"Ihatid mo'ko sa labas bago pa ako sunduin ni Kamatayan." Saad ko sakanya.

"Ano kayang itsura ni Kamatayan, 'no?" Tanong niya habang nakanguso na parang iniisip talaga kung anong itsura ni Kamatayan.

Umirap na lang ako at hinila na siya palabas. Baka pumasok pa 'yong asungot na lalaking feeling close. Nasalubong pa namin ang nurse na agad ngumiti nang makita ako. Tumango lang ako sakanya at kinaladkad na si Farrah. 

Punong-puno ang bibig niya ng popcorn nang makarating kami sa parking lot. Marahas kong hinablot ang braso ko sa pagkakayakap niya at nakangiwing tinignan ang sugat ko. Dumudugo 'yon dahil sa higpit ng pagkaka-kapit niya.

Walang naging tanong si Farrah tungkol sa'kin, ganoon siya kawalang-kwentang kaibigan. Hindi ko rin alam kung bakit may popcorn siya at drinks. Nagpaalam agad ako sakanya nang dumating ang sundo ko, wala namang naging tugon sakanya dahil puno ang bibig niya ng pagkain.

Umaandar ang kotse nang may maisipan akong itanong sa driver.

"Manong, umalis ka ba kanina?" Tanong ko.

Sinulyapan ako ng driver sa salamin. "O-opo. H-hinatid ko po si Miss V-vicky..." Mahina ang boses na sagot niya.

Ngumisi ako. Si Vicky, ang panganay na anak ni Verna. Saan naman kaya siya nagpunta? 

"Ayos. Saan pumunta?"

"Sa mall po."

Seryosong binaling ko ang tingin sa bintana ng kotse. Sa mall. Siguradong ginagasta na naman ang pera ng Papa ko. Mga makakapal ang mukha.

Walang akong imik hanggang sa makarating kami ng mansion. Agad na bumaba ang driver sa kotse at akmang pagbubuksan ako ng pinto nang itaas ko ang kamay para patigilin siya. Ako ang kusang nagbukas ng pinto at tahimik na bumaba.

"Naihatid mo ba ng maayos si Vicky?" Tanong ko.

"O-opo Mam." Nakayuko nitong sagot. 

Napatango-tango ako. "Good job. Pumunta ka rito mamaya. Ibibigay ko na sa'yo ang sahod mo at bukas 'wag ka nang pumasok. You're fired." Seryosong sambit ko bago tumalikod.

Kasalanan niya 'yon. Ako ang nagbabayad sakanya kaya wala siyang ibang susundin kundi ako. Hindi siya maaaring utusan ng mga basurang 'yon. Dapat alam niya na 'yon. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status