Share

Chapter 1

 

“Tabi ka nga!” pagtulak sa akin ni Jin dahil pareho kaming gumagawa ng plates namin ngayon sa condo. “Ano? Kumusta na kayo ng bar girl mo?”

I sighed in frustration.

“Manahimik ka nga’t baka isaksak ko sa lalamunan mo ‘tong T-square na hawak ko,” iritang sagot ko sa kan’ya.

He laughed. “Gago, hindi mo pa nahahanap?” tumingin ako sa kan’ya nang nagtataka. “Schoolmate n’yo, gago!”

“Hindi ko hinahanap, at wala akong pakialam, Jin Harold Ocampo.”

Muli siyang humagalpak ng tawa sa sinabi ko. “Ba’t kasi hindi na naman maipinta ‘yang pagmumukha mong gago ka?” pumaywang pa talaga ang loko, akala mo naman boss ko amputa, sakalin ko ‘to, eh. “Ilang araw ka nang badtrip simula noong gabing ‘yon, hindi mo ba sasabihin?”

Tumingin ako nang masama sa kan’ya bago ibinaba ang hawak kong T-square at inilagay ang mechanical pencil sa tainga ko na para bang ordinaryong lapis lang ito.

“Hindi ko kasi maintindihan, pare!” I sighed. “Hindi naman nangyari sa akin pero ba’t no’ng gabing ‘yon, pakiramdam ko nangyari na? Pakiramdam ko, narinig ko na ‘yong saktong salita na sinabi sa akin nung babaeng ‘yon? Hindi ko maintindihan, pati sa panaginip ko, umuulit lahat ng nangyari noon.”

Napasabunot na lang ako sa sarili ko. Lagi na lang sumasakit ang ulo ko simula noon, nawawala na ako sa focus.

“Doon ka nga sa kabilang table, tang ina, mas malaki ang plates ko sa ‘yo, Engineer! Baka nakakalimutan mong ako ang taga-plano ng mga building na gagawin mo!”

Hindi ko talaga alam kung bakit pumayag akong kasama silang tatlo sa condo, p’wede naman akong mag-solo at p’wede rin naman nilang gawin ‘yon! Hindi tuloy matahimik ang mundo ko! Mabuti na lang at may pasok ‘yong dalawa kaya wala ngayon dito, kung hindi ay mas maingay pa!

Kinuha ko ang tracing paper ko at ilang gamit tsaka pinaubaya sa kan’ya ang table dahil totoo namang mas malaki ang kanila kaysa sa amin. Mas madetalye ang plates nila kaysa sa amin. Hamak ang laki ng T-square nilang 48 inches kaysa sa aming engineering students na 32 inches lang.

Pero kahit na ganoon, nakakabobo pa rin sa dami ng subject na Math! Bakit ba ito yung kinuha kong course?

“Gusto mong malinawan, pare?” tanong ni Jin sa akin. Hindi ako kumibo at patuloy na inirolyo ang tracing paper ko. “Gusto mo kausapin ko? Paghaharapin ko kayo.”

Hindi ako nakasagot at napaisip. Pakiramdam ko, masiyadong OA kung hahanapin ko ang babaeng ‘yon para lang itanong sa kan’ya kung anong nangyayari sa akin, na simula noong nagkaharap kami, madalas nang sumakit ang ulo ko. 

Paulit-ulit kong napapanaginipan ang babae at lalaki na sinasabi ang saktong linya at ginagawa ang saktong gawain noong nagkita kami . . . pero sa panaginip ko, hindi bar ang lugar, kung hindi sa labas ng makalumang eskwelahan.

“Multimedia Arts and course noong babae, hinanap ko noong minsan.”

Napatingin ako kay Jin at ipinukpok sa kan’ya ang canister ko dahil sa kagaguhang sinabi niya.

“Hayop ka, stalker ka ba?” bulyaw ko sa kan’ya.

Tinawanan niya lang ako. “Hindi, tanga! Ginawa ko ‘yon para sa ‘yo! Connor, pare, maganda! May tingin na kulay blue ‘yong mata niya paminsan-minsan, o kapag tinitigan mong mabuti. Pakiramdam ko, may lahing foreigner.”

Napaisip ako.

Hindi ko naman talaga gaanong tanda ang itsura noong babae pero yung mata niya, talagang nakakuha ng atens’yon ko noong gabing ‘yon. Sobrang lasing ako no’n pero natatandaan kong may kakaiba sa mga mata niya.

Pati labi niya natatandaan ko, pero kapag inaalala ko ang buong mukha, wala akong makita kung hindi malabong imahe ng isang babaeng maganda . . . at maliit.

“Tss,” ‘yon na lang ang tanging nasabi ko bago tuluyang pumasok sa loob ng kuwarto ko.

Multimedia Arts? Ibig ba sabihin n’on, magaling siya sa arts? Given naman na siguro na magaling siya sa arts kaya ‘yon ang kinuha niyang course. Pero saang klase ng arts kaya siya magaling? Digital? Or ‘yong manual painting sa canvas? Magkakaroon kaya sila ng exhibit para sa naging projects nila?

Argh! Sasamain talaga sa akin ‘yang Jin na ‘yan! Ang dami-dami ko na ngang problema, isinabay pa ‘yang pambababae niya! Kapag ito kinarma, puta, pagtatawanan ko talaga!

***

“Padi’s Point?” tanong ni Terrence pagkabagsak ng katawan sa long couch habang naglalaro ako ng NBA sa cellphone. “SM North!”

Nagpalakpakan sina Aldrin at Jin sa narinig.

“Oo ba! Marami ka bang atabs d’yan, ‘tol?” maligayang tanong ni Aldrin.

“Sama natin si Connor, baka mahanap na niya si bar girl niya!” singit ni Jin.

“Ayoko.” Nakaramdam ako ng pitik ng tela sa nakahubad kong katawan. “Aray!”

Tumingin ako nang masama kay Terrence sa ginawa niyang ‘yon. “‘Tang ina mo sisirain ko lahat ng plates mo kapag hindi ka sumama!”

Hindi ko na sila pinansin pa nang magsimula na silang umalis para gumayak. Halos dalawang linggo pa lang ang nakakaraan simula noong gabing ‘yon. Balak na naman nilang magpakalango sa alak. Bakit ba naging barkada ko ‘tong mga animal na ‘to?

I heaved a deep sigh when I finished playing. Nakita kong tapos na silang gumayak kaya naman naligo na rin ak dahil hindi naman papayag ang mga ‘to nang hindi ako kasama.

Nagsuot lang ako ng puting V-neck shirt at itim na pantalon tsaka sapatos, sinuklay ang buhok na nilagyan ng kaonting wax, tsaka lumabas na. Nakita ko silang nakatingin sa akin ngayon at nakangisi.

“Sus, sasama rin pala, eh,” sabi ni Aldrin nang nakangising aso.

“Tss.”

Nang lumabas si Jin, sumunod na rin kami dahil kotse niya ang gagamitin ngayon. Masiyado nang nagagasgas ang BMW ko dahil laging ‘yon ang ginagamit sa tuwing lalabas kaming magkakaibigan. Malakas daw maka-guwapo ang BMW. 

Sumakay ako sa shotgun seat at tamad na inilagay ang seatbelt sa katawan ko. Ilang sandali lang, nagsimula na siyang mag-drive kasabay ng pag-iingay nilang tatlo.

I grunted. My head is starting to ache again, damn.

“Smile ka na, pare, may regalo ako sa ‘yo mamaya,” sabi ni Jin na nagdi-drive sa tabi ko.

Tiningnan ko siya nang masama tsaka ipinikit na lang ang mga mata ko. ‘Tang ina, kapag ako nabuwisit, ipapabunot ko na lang ulo ko! Bigla-bigla na lang sumasakit!

Nang makarating kami sa Padi’s Point sa SM North, tinulak-tulak pa ako ng tatlo habang papasok kami ro’n. Naghanap kami ng bakanteng table at doon naupo. Um-order sila ng alak, chips at kung anu-ano pang pagkain. Marami kaming kakilala na nakita ro’n, mga naging kaibigan namin sa ibang university, ang bumati at nakipag-kuwentuhan sa table namin habang nag-iinuman.

Kahit na sumasakit ang ulo ko, lalo na ngayon dahil sa ingay ng mga lasing na tao sa lugar na ito, hindi ko hinayaan na maging KJ ako sa paglabas naming ito. Nakikipagbiruan ako paminsan-minsan sa mga kakilala, at mga nakikipagkilala, pero hanggang do’n lang.

“Ganda n’on pare, oh?” bulong sa akin ni Terrence tsaka itinuro ang babaeng kita ang balikat na parang magpapa-bakuna.

“Tss,” ‘yon na lang ang naging linya ko tsaka uminom ng Tequila.

“Huwag mong iano sa iba at may plano ako!” bulyaw ni Jin sa kan’ya tsaka hinila palayo sa akin si Terrence. Ilang sandali pa ay umupo sa tabi ko si Jin tsaka may ibinulong sa tainga ko. “Nand’yan na yung regalo ko!”

Napakunot-noo ako sa sinabi niya. Tumingin ako sa kan’ya at nakita kong may kinakawayan siya sa malayo. Sinundan ko ng tingin ‘yong tinitingnan at kinakawayan niya. Nakita ko yung babaeng nakasuot ng itim na dress na may sunud-sunod na brown na butones sa gitna, at nakalugay ang mahaba at kulay brown na buhok. Kumaway ito sa kan’ya pabalik at ngumiti.

Napapikit ako nang mariin nang may maalalang mukha sa mga alaalang pumapasok sa isip ko kahit na alam ko sa sarili kong hindi ko naman alaala ‘yon. Magkaiba ang babae sa alaala ko at sa babaeng nakikita ko ngayon pero bakit pakiramdam ko, kunektado sila?

Hanggang ngayon, malabo pa rin ang mukha ng babae sa alaala ko. Pero alam kong hindi siya ‘yun!

Argh! Nababaliw na ako!

“Dito!” rinig ko pang malakas na sabi ni Jin.

Iminulat ko ang mga mata at nakita kong nakangiti pa rin ang babae habang naglalakad papunta sa amin. Napainom ako ng alak sa harap ko dahil sa biglaang pagdagundong ng dibdib ko na hindi ko maintindihan kung ano, kasabay ng paglabas ng pawis sa noo at leeg ko.

“Pare, maiwan ka na namin. Hindi kami papayag na ikaw lang ang may bebe ngayong gabi!”

Humagalpak ng tawa ang tatlo bago naglakad palayo sa amin. Naupo na ang babae sa harap ko habang ako naman, napahilamos na lang ng mukha sa sobrang inis sa tatlong ‘yon! Pinagplanuhan pala ako ng mga ‘tang ina!

“Hi!”

Lumingon ako sa kan’ya at nakita kong naglahad siya ng kamay sa akin nang may magandang ngiti sa mapulang labi. Muli kong naramdaman ang pagdagundong ng dibdib ko sa nakita.

“Savannah,” pagpapakilala niya habang nakatingin sa akin. “Savannah Greene. Just call me Savvy. You are?”

Napabuntonghininga ako bago tinanggap ang alok niyang pakikipagkamay.

“Connor.” Ngumiti ako sa kan’ya pabalik. “I’m Connor Lopez.”

At tulad nga ng sinabi ni Jin . . . kapag natitigan mo ang mga mata niya, dark blue ang kulay nito. 

Parang nagtatago sa kulay itim na madalas nakikita ng mga taong hindi nagbibigay-pansin.

Parang sinadya na gawing kakaiba ang kulay ng mga mata niya para malaman kung sino ang taong magbibigay ng oras, atens’yon at halaga para mas makilala siya. 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status