Share

Chapter 4 - Chinese Blood

“Ma, alis na po muna ako.” 

“Sige, mag-iingat ka anak. Sigurado ka na ba talaga?” Muling tinanong ni Carmela ang anak sa huling pagkakataon baka sakaling magbago ang isip. 

“Opo, ‘Ma. ‘Wag na po kayong mag-alala,” paniniguro ni Cielo ngunit ang totoo ay dinadaga dibdib niya. 

“Ma’am Cielo, tayo na po,” sabi ng driver na nagsundo sa kan’ya. Tahimik lamang si Cielo at sarili lamang ang dala. Panay ang sipat niya sa sarili kung maayos naman ba ang itsura niya. Ayaw niyang mapahiya si Solenn kaya pumili siya ng kaniyang bistida na pinakamagandang mero'n siya. 

‘Hays… Sana ayos lang ‘tong suot ko!’ 

Nagtaka si Cielo dahil hinatid siya ng driver sa isang kilalang beauty salon. Nagtatakang nilingon niya pa muna ang driver. 

“Pasok na po kayo, ma'am. May naghihintay na po sa in'yo sa loob at sila na po ang bahala. Maghihintay na lamang po ako rito,” magalang na sabi ng driver. 

Pinagbuksan na siya nito ng pinto at wala sa sariling sumunod na lamang siya sa sinabi nito. Hindi niya alam na ganito pala muna.

“Hi Ma’am. Good morning! Welcome po,” bati sa kan'ya ng staff roon. Tipid naman niya itong nginitian. 

Hindi akalain ni Cielo na iyon ang gagawin sa kan'ya. Lahat ng pampaganda ay ginawa. Nakatulog rin siya habang mina-massage kanina. Ngayon naman ay ang buhok na lamang niya ang ginagawa. 

Pagkatapos ng treatment sa kaniyang buhok ay kinulayan pa ito bago siya ginupitan. Halos ma-mangha si Cielo sa repleksyon niya ngayon sa salamin. Siya nga ba ‘to? 

“In fairness, girl! Maganda ka na pero lumitaw pa lalo ang iyong ganda. Bagay na bagay sa iyo ang napili kong hair color and make up. Agree mga bakla?” tanong ng nag-aayos kay Cielo sa mga kasama! 

“Trulala! Para kang manyika, may Chinese blood ka ba?” tanong pa ng isa. 

“H-ha? Ay, wala po. Pure pinoy po ang mga magulang ko.” Nagtinginan naman ang mga staff na tila hindi sila kumbinsido. 

“I doubt it! May lahi kang Chinese, magkalahi tayo kaya confirm iyan!” Hindi na lamang sumagot si Cielo at nginitian ang baklang nag-aayos sa kan'ya. Mayamaya lang ay pinagbihis na siya ng mga ito. 

Paglabas ni Cielo ay kita agad ang pagkagulat sa mga mukha ng staff na naroon. Malamang ay hindi bumagay ang damit sa kan’ya. Ngunit natigilan siya nang biglang pumalakpak ang Isa na sinundan naman ng iba kaya nagtataka siya kung bakit?

“Oh my! Mama Miya! Perfect talaga siya! You're so gorgeous, ma’am!” puri ng nag-ayos sa kan’ya. 

“Oo nga! Mukha kang artista, bagay na bagay at puwede ka ring maging model. Gusto mo ba na i-reffer kita? May Kilala ako,” ani pa ng isa.

“Lalong nagpaganda ang pagiging chinita mo. Baka ikaw ang nawawalang prinsesa ng mga Choi na matagal nang nawawala. Charot!” 

“Uy, malay natin. Basta girl kung totoo man iyon ay ‘wag mo kaming kalilimutan ha? I'm Bella,” pagpapakilala pa ng isa kay Cielo. Ang kabang nararamdaman ay tila napawi dahil masarap kausap ang mga ito.

“I'm Tina!”

“I'm Sugar!”

“And I'm Dindy,” sabi pa ng nag-ayos sa kan'ya. Natawa na lamang si Cielo at sinakyan ang mga kakulitan ng mga ito. 

“Okay, picture! Katunayan na tayo ang nakakita sa mahal na Prinsesa Choi.” Alam niyang nagbibiruan lamang sila ngunit talagang maraming nagsasabi sa kan'ya dati pa na hindi niya kamukha ang inang si Carmela at gano'n din sa Papa niya. Tanging sagot niya naman ay nagmana umano siya sa ibang kamag-anak nila dahil iyon ang sabi ng kaniyang ina. 

“Good luck sa date mo, girl! Ewan ko na lang kung hindi pa ma-inlove sa iyo kung sino man iyon!”

“Salamat po.”

“Basta, balitaan mo kami ha? Seryoso, reffer kita sa kakilala ko. Mag-model ka, bagay sa iyo,” pangungulit pa ni Sugar. 

“Sige po. Babalikan ko po kayo rito. Maraming salamat po, Mauna na po ako,” paalam ni Cielo. 

Tila natulala naman ang driver na kanina pa naghihintay kay Cielo. Kahit nakalapit na siya ay nakatitig lamang ito at walang imik. 

“Ahmn… Kuya, okay ka lang po ba?” Tila nahimasmasan naman ang driver kaya lihim na napangiti si Cielo. Sa totoo lang ay na-boost ang confidence niya kanina pa dahil sa mga baklang nag-ayos sa kan'ya. 

“A-ah sorry po.” Pinagbuksan naman siya agad nito ng pinto at agad na siyang pumasok. Tahimik lamang si Cielo buong biyahe at nahuhuli niya minsan iyong driver na napapatingin sa kan'ya. 

Ilang minuto lamang ay nakarating na sila sa isang exclusive restaurant. Tiyak ni Cielo na puro mayayaman lang ang nakakapasok doon. Kung hindi dahil lamang kay Solenn ay hindi pa siya makakaapak sa mamahaling lugar na ito. 

“Good afternoon, ma’am. May I know your name?” Bati sa kan'ya ng guard sa entrance at inalam pangalan niya upang maituro ang table niya. 

“I'm Cielo Vallejo,” aniya. 

“Ah, you have an reservation with Ms. Solenn Vallejo and Mr. Warren Sandoval. This way, ma’am.” Iginiya siya nito sa table at naroon naman na si Solenn at Warren, nauna lang ng kaunti sa kan'ya. 

Bumuga si Cielo ng hangi dahil sa kabang nararamdaman. Nanlalamig rin ang mga kamay niya. 

“Hon, nagtext na iyong driver, on the way na sila. I'm sure na makakasundo mo ang step sister ko. Be nice, okay?”

“Okay,” tipid na sagot ni Warren. Naagaw ang pansin niya dahil sa babaeng kausap ngayon ng guard sa entrance. Hindi niya alam ngunit hindi niya maalis ang titig sa babae. Mahinhin itong naglalakad at halatang nahihiya, sa isip niya ay bakit ito mahihiya dahil maganda naman ito. 

Lalong hindi maalis ni Warren ang titig sa babae dahil sa pagngiti nito sa guard bago ito iwan. Iyong ngiting natural at hindi mapang-akit. Papunta ito sa dereksyon nila at saktong napalingon naman si Solenn sa paparating. 

“Cielo, finally! Come here.”

‘Damn! This girl is her step sister?’ 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status