Share

Chapter 2

JETT

Isang linggo ang nagdaan na tanging tubig lang ang naging pantawid ko para mabuhay. Hindi ako makakain. Hindi ako makatulog. Tuwing ipipikit ko ang mga mata ko ay mukha ni Carcel ang nakikita ko sa bawat sulok. Bawat paghinga niya ang nalalanghap ko at ang presensya niya ang yumayakap sa akin. Hindi ako makabangon sa kama na halos magmistulang isang lumpo. Panay iyak lang ang ginagawa ko habang nakahimlay sa kama.

“Jett, hindi ka na kumakain! Mamamatay ka niyan sa ginagawa mo. Maawa ka sa sarili mo, Jett, lumaban ka! Kayanin mo!” Tanging boses lang ni Lola Flor ng naririnig ko at ang pilit niyang pagpapalakas ng kalooban ko.

Walang humpay sa pagbabagsakan ang aking mga luha sa tuwing naaalala ang pagtataksil ni Carcel. Binaon ko ang mukha ko sa unan at muling napahagulgol ng malakas. “L-Lola…Pinagtaksilan ako ni Carcel sa kapatid ko na si Gianna… ‘y-yung inaalagaan kong pamangkin, anak pala ng aking asawa!! A-Ang masakit pa roon ay nililihim sa akin nila Mommy at Daddy para protektahan ang paburito nilang anak! Ang sakit-sakit talaga, lola… kung pwede ko lang dukutin ang puso ko, ginawa ko na!!”

“Jett,” niyakap ako ni Lola. Pilit niyang binabangon ang mukha ko nang sa gayon ay hindi ko ma-suffocate ang sarili sa unan. Ilang beses niyang pinupunasan ang mga luha sa mukha ko. “Sige, ilabas mo lang lahat ng sakit na nararamdaman mo hanggang sa mapagod ka at mamanhid. Iiyak mo lang… iiyak mo lang lahat ng sakit…”

“A-Ang sakit… ang sakit ng ginawa niya… p-pinagkaisahan nila ako, Lola!!!” parang nilalamutak ang puso ko sa sakit na napayakap sa kanya ng sobrang higpit. “G-Gusto ko nang mamatay… ang sakit-sakit!! Niloloko nila ako… p-paano nila nagawa iyon sa akin? Ano bang kasalanan ko?!”

“Wala kang kasalanan. Kaya nga’t hindi dapat ikaw ang napaparusahan ng ganito.” hinagod niya ang likod ko. “Ngunit hindi pa ito ang katapusan. Bata ka pa, hindi nagwawakas ang buhay mo sa Carcel na iyan. Marami ka pang makikilala na tunay kang mamahalin at hinding-hindi ka sasaktan ng ganito.”

Umiling-iling ako na umayos ng pagkakaupo sa kama. Puno ng emosyon at pagsusumamo ko siyang tinitigan. “Lola, buntis po ako sa anak namin ni Carcel.” nagsipatakan ang mga luha ko. “I-Isang buwan na akong buntis at wala pang nakakaalam kundi ang kaibigan kong doktor. Lola, anong gagawin ko? H-Hindi, hindi ko yata kayang mawala sa akin si Carcel dahil sa sanggol na dinadala ko... P-Pero may iba ng anak si Carcel, at iyong bata pati si Gianna ang pinili niya. Ano nang gagawin ko, Lola? K-Katapusan na ng buhay ko…”

“Dios mio!” nagimbal siya. “U-Una, hindi ka dapat nagsasabi ng ganyan, hindi mo pa katapusan! Gagawan natin ng solusyon.. Mag-iisip si Lola, tutulungan kita sa lahat ng dapat mong gawin! Sa ngayon, kailangan mo munang magpalakas. Kumain ka, maligo ka, bumangon ka sa kama! Magiging maayos din ang lahat… pinapangako ko, Jettie.”

Inalagaan ako ni Lola Flor ng halos isang buwan sa loob ng kanyang sariling mansyon, malayo kina Mommy’t Daddy, Gianna, Gigi at Carcel, maging sa mga taong kasama nilang naglihim at nagtraydor sa akin.

Si Lola Flor ay ang ina ni mommy, na siyang nagpalaki sa akin simula sanggol hanggang sa mag-eighteen years old ako. Wala akong ibang matakbuhan kung hindi siya lang. Palaging siya lang ang nandi-diyaan para sa akin tuwing pakiramdam ko ay nasa pinaksukdulan na ako ng buhay.

—-

"Puwede ba, Grace, pabayaan mo na muna ang anak mo na magpahinga at magmuni-muni? Sa ginawa niyo sa kanya, sa tingin mo ba ay handa na siyang harapin kayo kaagad?"

"Mama! Anak ko iyan kaya may karapatan ako bilang isang ina, na magmani-ubra sa sitwasyon ngayon! Hindi itong kayo ang nagdedesisyon para sa kanya! Ilabas niyo si Jett at hayaan niyong kausapin ko siya nang maliwanagan siya sa mga nangyayari!"

Sumilip ako sa labas ng pintuan upang makita sina Mommy at Lola Flor na nagbabangayan sa sala. Dis oras na ng gabi subalit sumugod pa si Mommy rito sa bahay ni Lola Flor at dere-deretsong pumasok sa loob na animo pagmamay-ari niya ang lugar. Kung hindi pa dahil kay Hugo na inampong apo ni lola ay hindi pa titigil si Mommy sa paghahalughog ng pamamahay niya.

"Ano pa bang hindi malinaw, aber? Iyang anak mo na pinaglihi sa higad, pinatos ang asawa ni Jett kaya nabuntis. Kayo namang mga magulang, pinagtakpan ang nangyari, at hinayaang umaktong pamilya ang mga loko at saktan ang puso ni Jett! Oh? Malinaw pa sa tubig ang katotohanang iyon!" matapang pang bulalas ni lola.

"Mama naman!!" Dinuro ni Mommy si Lola. "Huwag na huwag mong matawag-tawag na higad si Gia! Insidente lang ang nangyari noon sa kanila ni Carcel!"

"Oh, eh bakit hindi kayo naging tapat kay Jettie at harapin ang konsensya? Bakit pinapatagal niyo pa?" Napaasik si lola. "Huwag mo nga akong maduro diyan, Grace. Eh simula nung maliit pa iyan si Gia, pansin ko na ang pagiging makati niyan na akala mo uhaw sa mga lalaki! Naalala mo ang pinaka-unang naging nobyo ni Jett? Hindi ba inagaw niya? May narinig ka ba kay Jett? Wala naman! Nagpaubaya siya sa kapatid niya pero sa akin nag-iiyak! Kaya nga hindi na ako nagulat nung malaman kong pati asawa niya, inagaw ng higad mong anak!"

"Ayusin mo ang pananalita mo, mama!" namula sa galit ang mukja ni mommy.

“Ayusin mo ang pangangaral diyan sa anak mong si Gia! Hindi ka patas na magulang, lalo na kay Jett!”

“You’re the one to talk!” napabulalas si mommy. “Ano bang alam mo sa pagiging patas, Ma?! Dahil buong buhay ko, hindi ko naranasan na naging patas kayo sa amin ng mga kapatid ko! Kaya huwag mo akong masabihan niyan!”

“This isn’t about you! Stop bringing the past back, Grace! Tungkol na ito sa mga anak mo! Bilang magulang, at least may ginawa ka man lang para hindi magkasiraan ang dalawa! You could’ve prevented this from happening! Pero hindi! Kinukunsinte mo pa ang pagkakamali ni Gia at Carcel! Kinakampihan mo sila, samantalang hindi mo pinapahalagahan ang damdamin ng isa mo pang anak na si Jett!”

“Ewan ko sa’yo, Ma! Basta! Hindi kasalanan ni Gia na mas maganda siya kaysa sa ate niya! Hindi niya kasalanan na habulin siya ng mga lalaki! Si Carcel mismo ang naghabol kay Gia at Gigi! Hindi namin siya inobliga. Pero iyon ang desisyon niya. Ngayon, kung hindi haharapin ni Jett ang katotohanang iyon, puwes mas lalo lang lalala ang sitwasyon, kawawa ang musmos na bata dahil siya ang higit na maguguluhan sa mga nangyayari. Tutal si Jett naman ang ate at mas nakakatanda, siya na ang magparaya!"

Hindi ko nakayanan pang magtago sa silid. Malalaki ang hakbang akong lumabas para harapin si Mommy. “Magparaya? Hanggang sa sarili kong asawa, dapat ko paring ipaubaya kay Gia, Mom??”

“J-Jett…” natauhan si mommy. Nilagpasan niya si Lola Flor para lumapit sa akin na agad kong kinaatras. “Anak, mag-usap tayo—"

“Huwag mo akong hahawakan, Mom!” puno ng hinanakit ko siyang tinitigan sa mga mata sa kabila ng mga luhang nagsisipagpatakan pababa sa ‘king pisngi “A-Alam ko naman na mas maganda sa ‘kin si Gia. Sa point na siya lang ang dinadala mo sa mga party para ipagmalaki sa mga sosyal mong mga kaibigan! Alam ko rin na habulin siya ng mga lalaki, kaya nga pinabayaan ko na lang na palaging nakukuha niya ang mga manliligaw at nobyo ko noon! B-Bilang mas nakakatanda, iniintindi ko lahat, pinapaubaya ko lahat kay Gia! Simula sa maliliit na candy, hanggang sa mga gusto niyang lalaki, lahat! P-Pero Mommy? Wala na ba ako karapatang umangkin ng kahit isa lang? M-Mahal na mahal ko si Carcel, Mom! Hindi lang siya basta asawa ko! Siya ang buhay ko!! Bakit hindi niyo ‘yon maintindihan?! Akala mo ba madali lang sa 'kin ito?!”

“A-Anak…” sunod-sunod na napalunok si Mommy. Kinagat niya ang ibabang labi saka tumugon sa mababang boses. “Kahit hindi ka magparaya… wala naman ding mangyayari dahil matagal ka nang hindi mahal ni Carcel. Sa totoo lang, matagal na niyang pinaplano na hiwalayan ka, hindi lang magawa dahil masyado kang manhid.”

Hindi ako makapaniwalang tumitig pa ng husto sa kanya. Natatawa akong patuloy na napapaiyak. “Dahil ba tinatrabaho siya ni Gia doon sa mansyon niyo kung saan niyo sila tinatago?”

“Sinasabi ko na sa iyo, anak! Si Carcel mismo ang naghahabol kay Gia at Gigi! Tanggapin mo na agad ang katotohanang iyon. Wala ka na dapat pang ipaglaban dahil gusto ka nang i-divorce ni Carcel!”

"Ganyan ba dapat ang isang ina, Grace?" nadi-disappoint na tanong ni Lola. "Mas lalo mong sinasaktan ang damdamin ng panganay mo! Hindi mo ba alam na mahal na mahal ni Jett si Carcel dahil ito lang ang bukod tanging nagpapasaya sa kanya? Nagbibigay ng atensyon na pinagkakait ninyong pamilya, at higit sa lahat, nagparanas kung paano ba talaga ang magmahal at mahalin pabalik? Hindi mo ba alam, na halos sampung taon na silang nagsama simula ng bago pa lang sila magkakilala, hanggang sa magligawan, maging magkasintahan, at maging mag-asawa? Sa tingin mo ba ganoon na lang kadali para kay Jett na ibasura lahat? Na ipaubaya na parang isang laruan ang asawa niya para kay Gia??!!"

“Kung siya na lang din naman ang nakakapit sa relasyon nila, bakit hindi niya gawin?!” tugon ni Mommy kay Lola. “Tama naman ako, hindi ba? Ano pa bang ibang solusyon? Nagmamahalan na sina Gia at Carcel. Mas matimbang sila dahil may anak sila na si Gigi! Si Jett? Pwede naman siyang magsimula na lang ulit!”

“Paano niya magagawang magsimula ulit kung isang buwan na siyang—-”

“LOLA!” mabilis kong pagputol sa sekretong muntikan na niyang mabunyag.

Natikom ni lola ang bibig, agad akong naunawaan.

“Isang buwang ano?” kuryosong tanong ni Mommy.

“Isang buwan na siyang hindi makakain, makatulog, at panay lang pangungulila kay Carcel na dinaig pa ang isang byuda!” pag-iiba ni lola.

Nalukot ang mukha ni Mommy, bago unti-unting napabuntong-hininga. “Sa una lang talagang ganyan. Pero Jett, malalagpasan mo rin iyan. Importante sina Gia ngayon kumpara sa’yo. Hindi lang naman ikaw ang nahihirap sa sitwasyon. Sana maisip mo rin iyon.”

Naikuyom ko ang dalawa kong kamao.

“Mahirap bang i-let go ang lalaking pinaghirapan mo ring makuha, Ate Jett?” boses ni Gia ang biglang namayani sa lugar.

Lahat kami ay napatingin sa pagpasok niya ng tuluyan sa sala ng mansyon ni Lola. Puno ng kayabangan ang mukha niya at halatang nagmamamalaki sa akin.

“Speaking of higad!” napaasik si Lola Flor. “Bitbit mo pala ang isang iyan para sa backup mo, Grace?”

“Tse!” umasik din si Gia. “Alam mo lola? Hindi ko alam kung bakit ang laki ng galit mo sa akin. Kung makasabi ka ng hindi patas na magulang si Mommy ay akala mo may pinagkaiba ka! Tingnan mo, si Jett ang paburito mong apo, hindi ba? Tapos sa akin, panay tirik ang mga kulubot mong mata!”

“Sino naman bang hindi titirik ang mga mata sa iyo, ineng? Ganyang pag-uugali ang pinapakita mo. Manang-mana kay Grace! Sa inyong dalawa ni Jett, ay siya lang ang nagpapakita sa akin ng paggalang. Ni hindi mo nga magawang mag-mano sa akin! Kaya bakit ka magkakaroon ng puwang sa ‘kin, aber?”

“Pa’no ba naman, lola! Ikaw lang yata ang matanda na mahirap bigyan ng respeto! Samantalang ‘yung janitress sa mansyon namin, nagagaanan ko naman ng loob!”

“Gia!” nanggagalaiti kong pagsaway sa kanya. “Mahiya ka nga sa inaasal mo! Wala kang karapatang magsalita ng ganyan kay Lola na para ka lang nakikipag-tropa!”

“Siya naman ang unang nag-disprespect sa akin! Calling me higad?” naiirita ngunit matapang na humarap sa akin si Gia. “Palibahasa ikaw, ate, umaasta na parang isang santo sa mga mata ni lola! Bakit hindi mo rin ikwento sa kanya na simula pa lang, sa akin naman talaga dapat mapupunta si Carcel!”

“Sa’yo?” napaanas ako. “Ako ang niligawan, hindi ikaw. Kahit anong pagpapapansin mo sa kanya noon, hindi ka man lang matingnan. Kaya anong sa’yo?”

“Sa akin siya! Sa akin siya unang pinakilala ni Tita Malou! Kami ang pinagpapartner nila ni Mommy! Kung hindi ka lang naki-eksena at inagaw siya, sa akin siya mapupunta! Pero kahit ilang beses kong sinabi sa’yo na may gusto ako sa kanya, inagaw mo parin siya!”

“Wala akong inaagaw sa’yo! Limang taon niya akong niligawan. At limang taon ka niyang hindi pinapansin! Bago kami nagkatuluyan, sabi mo matagal ka nang moved on! Kaya nakakahanga na nagawa mo pang magpabuntis sa kanya bago kami ikinasal! Hindi ka lang basta higad, isa kang ahas! Anaconda ka, Gia!!” puno ng galit kong pagsigaw.

“Insidente lang ang nangyari—”

“Insidente mo mukha mo!!” hindi ko napigilan ang sarili ko para sugurin siya at malakas na sumampal ang aking palad sa makapal niyang pagmumukha! “Ahas ka! Ikaw ang tunay na mang-aagaw! Akala ko okay lahat sa atin! Akala ko wala kang hinanakit sa akin dahil ako ang minahal ni Carcel! Akala ko tunay lahat ng pagpapanggap mo na mabait sa harapan ko! Pero sa likod niyon, inaahas mo pala ang asawa ko kasi hindi mo matanggap na ako ang pinili niya! Hindi mo matanggap na nalamangan kita dahil sanay kang palagi akong nasa talampakan mo, mistulang animo mo!”

“Ilusyunada!” akma niya akong sasampalin bilang ganti subalit naunahan ko siya. Sinampal ko ng malakas ang kabila niyang pisngi.

“Hinahabol ka ni Carcel? Gaga! Ikaw ang naghahabol kay Carcel! Paniguradong pinapanagot mo siya sa anak mong si Gigi!” pilit kong pinunasan ang mga luha sa mga mata ko. “Pero tama ka! Tama rin si Mommy! Siguro nga ako na lang ang nakakapit sa relasyon naming dalawa. Dahil hindi naman ako isang bingi, para hindi narinig ang sinabi niyang hindi na niya ako mahal at gusto na niyang makipaghiwalay!” madiin akong lumunok at nanlilisik ang mga matang tumingin sa kanya. “Panalo ka na, Gia. Sa’yong-sa’yo na si Carcel. I*****k mo sa baga mo at manalangin ka na sana hindi ka karmahin sa ginawa mo!”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status