Share

Chapter 3

"Bakit hindi tinanggap ng babaeng iyon ang marriage proposal mo, Tyron? Hindi ba't patay na patay sa'yo si Arielle? Bakit biglang nagbago ang isip niya?" tanong ni Claire kay Tyron habang magkayakap silang dalawa sa loob ng ladies' room.

"I don't know. Pero pagkatapos niyang magbabang-luksa sa mga magulang niya ay pipilitin ko siyang pakasalan ako," sagot naman ni Tyron sa mahinang boses.

"Mabuti nga na hindi niya tinanggap ang marriage proposal mo dahil ayoko naman talaga na magpakasal ka sa kanya. Ayokong maging kabit mo, okay?" may inis ang boses na wika naman ni Claire.

"Hindi puwedeng hindi ako ikasal kay Arielle, Claire. Masisira ang mga plano ko na matagal kong pinaghandaan. Kahit naman ikasal ako sa kanya ay ikaw pa rin ang mahal ko. At ipinapangako ko sa'yo na hinding-hindi ako makikipagtalik sa kanya kahit kasal na kaming dalawa. Dahil ikaw lamang ang babaeng gusto kong makasama sa kama," pangungumbinsi ni Tyron sa kanyang nobya.

"Talaga? Promise mo sa akin na pagkatapos ng kasal ninyong dalawa ay gagawa ka na ng paraan para tuluyang mawala na siya sa landas natin."

"Ipinapangako ko sa'yo na pagkatapos niyang ilipat sa akin ng kusa ang lahat ng kanyang yaman ay patatahimik ko na siya ng tuluyan. Pagkatapos ay tayong dalawa na ang mamamahala sa kompanyang iniwan sa kanya ng mga magulang niya at tayo na ang magiging hari at reyna ng bahay niya."

"I trust you, Tyron. Huwag mo akong bibiguin dahil masama akong magalit," nagbabantang wika ni Claire.

"Of course not. Bakit naman kita bibiguin? Lahat ng ginagawa kong ito ay para sa magiging future natin," mabilis na sagot ni Tyron, pagkatapos ay inangkin nito ang mga labi ni Claire. Wala silang pakialam kung nasa loob man sila ng ladies' room.

Lahat ng usapan nina Tyron at Claire ay naririnig ni Arielle na nasa labas lamang ng pintuan ng ladies' room. Gustong-gusto na niyang buksan ang pintuan at i-flash sa toilet bowl ang dalawa para naman mabawasan ang masasamang tao sa mundo.

Kung sinundan lang sana niya noon sa comfort room ang dalawa kagaya ng ginawa niya ngayon ay hindi na sana niya naranasan ang nakakakilabot na ginawa nila sa kanya. Dahil kung noon pa niya natuklasan na niloloko lamang siya ng dalawang taong malapit sa puso niya ay nakipaghiwalay na sana siya kay Tyron.

Wala siyang nakakapa sa kanyang dibdib kahit na munting selos at sakit dahil ang tanging nararamdaman lamang niya ngayon ay matinding poot at pagkamuhi para sa kanilang dalawa. Kahit kailan ay hindi niya hahayaang magtagumpay sila sa maitim nilang binabalak laban sa kanya. Pagbabayaran nila ang ginawa nilang pagpatay sa mga magulang niya at pati na rin sa kanya.

Nang maramdaman niya na palabas na ang dalawa sa loob ng ladies' room ay mabilis siyang umatras ng ilang hakbang at kunwari ay palapit pa lamang siya sa ladies room. Parehong nanlaki ang mga mata ng dalawa at lumarawan ang matinding pag-aalala sa kanilang mukha nang makita siya. Hitsura silang nakakita ng multo.

"Arielle, it's not what you think. Wala kaming ginawang masama ni Tyron sa loob ng ladies' room. Natapilok kasi ako kaya tinawagan ko siya at pinapasok sa loob. Huwag ka sanang mag-isip ng masama laban sa aming dalawa."

Inunahan na siya ni Claire sa pagpapaliwanag sa takot na baka mag-isip siya ng masama laban sa kanilang dalawa at masira ang mga plano nila sa kanya.

"Yes, love. Pabalik na sana ako sa mesa natin nang tawagan ako ni Claire para humingi ng tulong dahil natapilok siya sa loob ng ladies' room," agad na sang-ayon ni Tyron. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang isa niyang kamay at hinalikan.

Gusto niyang bawiin ang kanyang kamay at sampalin ito sa ginawang paghalik sa kanya dahil nandidiri siya sa kanya. Pinigilan niya ang kanyang sarili na gawin iyon para hindi rin masira ang mga plano niya para sa dalawang cheater at murderer na nasa harapan niya. Ngunit gusto niyang paglaruan sila. Gusto niyang makaramdam sila ng nerbyos at pag-aalala kaya nagkunwari siyang galit.

"Talaga? Wala kayong ginawang masama sa loob ng ladies' room? Bakit may lipstick sa mga labi mo kung wala kayong ginawang masama?" Pinahid ng kanyang hinlalaki ang lipstick ni Claire na dumikit sa mga labi ni Tyron.

Lihim siyang natuwa nang makitang nagkulay suka ang kanilang mga mukha at hindi malaman kung ano pang kasinungalingan ang sasabihin nila sa kanya para makumbinsi siyang wala nga silang ginawa sa loob ng ladies' room.

"Excuse me. Puwede ba akong dumaan papuntang men's room?"

Ang malamig at husky na boses ng isang lalaki ang bumasag sa tahimik na kapaligiran. Nakaharang kasi silang tatlo sa daanan kaya hindi makakadaan ang ibang tao na gustong gumamit ng comfort room.

Walang kibong tumabi si Tyron para makadaan ang lalaki. Pagtapat ng lalaki sa kinatatayuan niya ay saglit itong huminto at tiningnan siya sa mukha. Bahagyang napaawang ang mga labi niya nang makilalang ito ang lalaking nahuli niyang nakatingin sa kanya kanina.

Hindi niya maintindihan king bakit biglang bumilis ang tibok ng kanyang puso habang nakatitig sa kulay light brown nitong mga mata. Siguro kaya bumilis ang tibok ng kanyang puso dahil nahihiya siya. Baka kasi narinig nito ang mga sinabi niya kina Tyron at Claire kanina. O baka naguguwapuhan siya sa lalaki kaya nag-iba ang ritmo ng pintig ng kanyang puso.

Guwapo kasi ang lalaki sa tunay na kahulugan ng salitang guwapo. Sa tingin nga niya ay perfect ang mukha nito mula sa makakapal na kilay na binagayan ng may pagka-singkit na mga matang kulay light brown, ilong na tama lamang ang tangos hanggang sa mapupulang mga labi na medyo matambok ang pang-ibabang bahagi. At matangkad din ito. Mas matangkad pa nga ito kaysa kay Tyron na five feet and ten inches ang taas. Siguro ay six footer ito. Nagmukha tuloy siyang duwende sa height niyang five feet at five inches.

Pagkatapos nitong makipagtitigan sa kanya ng halos limang segundo lamang ay mabilis na itong nagpatuloy sa paglalakad at pumasok sa men's room. Hindi siya makapaniwala na sa loob ng maikling oras na iyon ay nagawa niyang pag-aralan ang pisikal na anyo ng lalaking iyon. At mas lalong hindi siya makapaniwala na sa unang pagkakataon ay tumingin siya sa ibang lalaki. Dati kasi ay nakapokus lamang ang kanyang mga mata kay Tyron at wala siyang nakikitang ibang guwapo sa paligid kundi ito lamang. Hindi lang pala siya stupid noon kundi bulag pa siya.

Ibinalik niya ang kanyang tingin sa mukha ni Tyron at pagkatapos ay si Claire naman ang kanyang tinapunan ng tingin. Parehong namumutla pa rin ang dalawa at hindi malaman kung sino sa kanila ang unang magsasalita at magkukumbinsi sa kanya para hindi siya mag-isip ng masama sa kanilang dalawa.

"Hey! Huminga naman kayong dalawa. I'm just kidding, guys!" Humalakhak siya ng malakas para ipakitang nagbibiro lang siya talaga. "Of course, hindi ko kayo pag-iisipan ng masama dahil may tiwala ako sa inyo."

Lihim siyang napangiti nang sabay na tila nakahinga ng maluwag ang dalawa.

"You're crazy, Arielle. Alam mo bang kinabahan ako na baka mag-isip ka ng masama sa amin ni Tyron? Ayokong masira ang friendship natin at ang pagiging magpinsan natin dahil sa isang misunderstanding," nakasimangot na wika ni Claire na siyang unang nakabawi sa pagkabigla kaysa kay Tyron.

Hindi niya napigilan ang bahagyang matawa nang makitang nagpahid ng pawis si Tyron. Sa sobrang nerbyos ay pinagpawisan ito. At iyon ang gusto niya. Ang makaramdam sila ng nerbyos kapag kaharap siya.

"Huwag ka na ulit magbibiro ng ganyan, Arielle. Alam mo naman na ikaw lamang ang babaeng mahal ko at wala nang iba pa," may pagtatampo ang boses na sabi naman ni Tyron. Hindi siya pumalag nang yakapin siya nito ng mahigpit.

Yakap pa rin siya ni Tyron nang bumukas ang men's room at lumabas ang lalaking dumaan kanina. Nakatingin ito sa kanya kaya muling nagtama ang kanilang mga mata. Napakunot ang kanyang noo nang makitang nakasimangot ito at madilim ang expression ng mukha. Agad siyang kumawala sa pagkakayakap ni Tyron at iniiwas ang kanyang paningin sa lalaki. Pagdaan nito sa tapat niya ay bahagya pa siyang binangga nito sa kanyang balikat.

Anong problema niya sa akin? naiinis na tanong niya sa kanyang isip habang sinusundan ng tingin ang likuran ng lalaki.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status