Share

Chapter 3

Tessa's POV

HINDI mabuti ang pakiramdam ko at napansin iyon ni Mamang Olga kaya pinayuhan niya akong magpahinga na lang sa kuwarto. Matamlay ako nang pumasok sa sarili kong silid sa maid's quarter. Lahat ng katulong dito ay may kani-kaniyang tulugan na may sariling aircon at banyo.

Pabagsak akong naupo sa kama ko at parang maiiyak na kinuha ang unan at niyakap ito. Gusto kong maiyak dahil sa pinaghalong sakit at sama ng loob. Ikakasal na nga sa iba si Senyorito Darius, doon pa sa babaeng m*****a na iyon!

Bakit siya pa? Mas matatanggap ko ang kasawian ko sa pag-ibig kung napunta sa mabuting babae si Senyorito Darius, pero sa kaniya? Nakakainis!

Natigilan ako sa pagmamaktol nang makita ang maliit na boteng nasa ibabaw ng side table ko. "Ano ito? Wala naman ito dito kanina, ah?"

Dinampot ko ang bote at binasa ang maliit na sulat na nakadikit doon. Nang maunawaan ko kung para saan ang laman nito, dali-dali akong tumayo at patakbong bumalik sa kitchen.

"Sasa!" tawag ko sa kaibigan ko. Agad naman niyang iniwan ang ginagawa at lumapit sa akin.

"Akala ko, masama ang pakiramdam mo? Sabi ni Manang Olga, pinagpahinga ka muna niya sa kuwarto mo."

Hindi ko pinansin ang sinabi niya at hinila siya papunta sa sulok ng kusina. Doon sa walang makakarinig sa amin.

"May plano ako, Sasa."

"Plano? Anong plano?"

"Para hindi matuloy ang kasal ni Senyorito Darius."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. Nagpabaling-baling siya ng tingin sa paligid upang siguruhin na walang nakakarinig sa amin.

"Nasisiraan ka na ba? Pipigilan mo ang kasal ni Senyorito Darius?"

Desedido akong tumango. "Hindi ako makakapayag na ikasal siya sa babaeng iyon! Kung nakita mo lang kung paano niya ako tingnan kanina, mapangmata siya, Sasa!"

Napasapo sa noo si Sasa. "Anong gagawin mo? Baka mapahamak ka!"

"Hindi, kung tutulungan mo ako."

Nanlaki ang mga mata niya sa narinig. "Ano? Ako? Tessa, ayokong madamay diyan!"

Nilagay ko ant hintuturo sa tapat ng labi ko at pinanlakihan siya ng mga mata. "Huwag kang maingay, ano ka ba!"

"Tessa naman, baka mapahamak tayo sa binabalak mo!"

"Hindi! Basta sundin mo lang ang sasabihin ko."

Matagal niya akong tinitigan na may pag-aalinlangan sa mga mata. Sa huli ay bumubuntonghininga siyang tumango.

"Sige na nga. Kaysa naman makita kitang habang-buhay na nagdurusa. At saka, hindi ko rin bet iyong si Martha para kay Senyorito. Mukhang nasa loob ang kulo."

"Salamat, Sasa! Kaibigan talaga kitang matalik!"

Sandali kaming lumabas at nagpunta sa laundry room para doon pag-usapan ang gagawin.

"Ano ito? At saan mo ito nakuha?" takang tanong niya habang hawak ang bote na naglalaman ng likido.

"Huwag ka nang magtanong. Basta, ilagay mo iyan sa inumin ni Senyorito Darius, at ako na ang bahala sa lahat!"

Napalunok siya sa sinabi ko. Halatang kinakabahan ito. "Sigurado ka ba dito, Tessa? Hindi ba tayo makukulong dito?"

"Hindi. Basta sumunod ka na lang."

Bumalik kami sa kusina at kumuha ng baso saka sinalinan ito ng alak. Nilagyan na rin namin iyon ng likido mula sa bote.

Pagkalabas ni Sasa, kinuha niya ang tray ng mga alak sa isang waiter na nag-iikot sa paligid. Hinalo niya sa mga baso na naroon ang basong para kay Senyorito Darius.

Nakita ko kung paano kumuha ng alak ang mga taong kasama ni Senyorito Darius sa iisang table. Kitang-kita ko rin kung paano inabot ni Sasa ang isang baso kay senyorito at ang pag-inom nito roon.

Kabado akong ngumiti. Hindi ako papayag na mapunta si Senyorito Darius sa iba. Sabihin nang makasarili ako, pero nakahanda akong gawin ang lahat upang maging akin siya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status