Share

Chapter 4

Pakiramdam ko, para akong pinagsakluban ng langit at lupa ngayong araw. Nawalan ako ng matutuloyan at trabaho, pati mga gamit ko ay nawala rin sa akin dahil hindi ko nakuha kanina.

Pumara ulit ako ng jeep patungo sa hospital kung saan naka-confine si Nanay. Tiningnan ko ang pera sa loob ng wallet ko. Bumagsak ang balikat ko nang nakita ang isang libong piso. Paano ko pagkakasyahin ang perang 'to? Maghahanap pa ako ng matitirahan at trabaho. Bibigyan ko pa ng sahod si Lara dahil siya ang nagbabantay kay Nanay habang wala ako.

"Kuya, bayad po," sabi ko sabay abot ng isang libong piso.

Kumunot ang noo ng jeepney driver nang nakita ang pera ko. "Wala ka bang barya riyan, hija? Bente pesos lang ang makukuha sa pera mo. Mauubos ang perang panukli ko."

"Wala po akong barya, Manong. Ito lang talaga ang meron sa 'kin -"

"Bayad po, Manong. Ako na lang po ang magbabayad sa pamasahe niya."

Napalingon ako sa lalaking katabi ko. Nahihiyang ibinalik ko na lang sa wallet ang pera ko. "T-Thank you," usal ko.

Ngumiti lang siya sa akin. Hindi rin nagtagal ay bumaba na siya sa kabilang kanto.

"Manong, para po," sabi ko nang nasa tapat na ako ng hospital.

Pagbaba ko ay dumiretso ako sa isang sari-sari store na nagtitinda ng kanin at ulam. Kumain muna ako roon dahil hindi ko na talaga kayang pigilan ang pangangalam ng tiyan ko. Habang kumakain ay naki-charge na rin ako sa tindahan dahil ubos na ang baterya ng cellphone ko.

"Maraming salamat po," usal ko pagkatapos kong kumain at kunin ang cellphone.

Muntik ko nang mabitawan ang pagkaing binili ko para kay Lara nang napansin ang sunod-sunod na pag-vibrate ng cellphone ko. Tiningnan ko ang mensahe galing kay Lara. Napatakip ako nang bibig at nabitawan ang pagkaing hawak ko.

From: Lara

Inataki sa puso ang Nanay mo. Pumunta ka ngayon sa hospital!

Para akong kabayong nakalabas sa hawla sa sobrang bilis ng pagtakbo ko papasok ng hospital. Halos nabangga ko lahat nang mga nakakasalubong ko sa daan sa pagmamadali. Napahawak ako sa dibdib ko nang naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako para kay Nanay. Pinunasan ko ang namumuong luha sa aking mga mata habang hinihabol ang paghinga ko.

"Lara!" sambit ko nang nakita ko siya sa labas ng kwarto ni Nanay. Pinapatahan siya ng isang nurse. Mas lalo lang akong nakaramdam ng kaba sa nangyayari. "Nasaan si Na-" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang nahagip ng mga mata ko si Nanay na nag-aagaw buhay.

"Ma'am, hindi po kayo pwedeng pumasok!" saway ng nurse na nagpapatahan kay Lara nang sinubokan kong buksan ang pintuan. Naka-lock ito.

"Nay!" paulit-ulit kong sambit habang nakadungaw sa bintana. Halos masira ko na ang pinto. "Papasokin niyo ako! Kailangan kong makita si Nanay!"

"Ginagawa po namin ang lahat para mailigtas ang buhay ng Nanay niyo, Ma'am. Kumalma po kayo -"

"Paano ako kakalma? Nag-aagaw buhay si Nanay sa loob!" galit na sigaw ko sa nurse. Sinipa ko ang pinto at hinayaang lumabas ang aking mga luha. Lumapit ako sa nurse. "Gawin niyo ang lahat para mailigtas si Nanay. Maawa kayo sa akin..."

"Ginagawa po namin ang lahat ng makakaya namin to save your mother, Ma'am. Please, calm down. Hintayin na lang natin na lumabas ang doktor."

Nakadungaw lang ako sa bintana habang pinagmamasdan ang doktor at mga nurses sa ginagawa nila kay Nanay. Nakahinga lang kaming lahat ng maluwang nang bumalik ang heartbeat ni Nanay.

Dali-dali akong pumasok para makita si Nanay paglabas ng mga nurses. Tanging si Dr. Santos na lang ang naiwan sa loob, minomonitor niya ang ibang tube na nakakabit sa katawan ni Nanay.

"Kumusta po si Nanay?" nag-aalalang tanong ko sa doktor. Suminghap ako saka pinunasan ang mukha ko.

"Kailangan niya ng maoperahan, Ma'am. Habang tumatagal ay mas lalong nanghihina ang katawan niya. Hindi siya pwedeng atakihin ulit dahil..." Tumingin ang doktor sa akin. Bumilis na naman ang pagtibok ng puso ko. "She might die if we cannot do the operation as soon as possible."

"Wala na po ba talagang ibang paraan, Dok?" Bumuhos na naman ang mga luha ko. "Wala po akong ganoong kalaking halaga ng pera para sa operasiyon ni Nanay. Ubos na ang naipon kong pera sa mga gamot niya at ibang kailangan dito sa hospital."

"Kung hindi siya maooperahan sa lalong madaling panahon, baka hindi niya kayanin ang sakit niya, Ma'am."

Isinubsob ko ang mukha ko sa kama pagkatapos naming mag-usap ng doktor. Hinawakan ko ang kamay ni Nanay at hinalikan ito. Hindi pa ako handang mawala si Nanay sa akin. Ulila na ako sa ama, ayokong maranasang maulila rin sa ina. Siya na lang ang natitira kong pamilya.

"Ate Ana, hindi ka ba papasok sa trabaho ngayon?"

Bumaling ako kay Lara. Nililigpit niya ang kaniyang pinagkainan. "Hindi na," tipid kong sagot.

"Uuwi muna ako sa amin. Kukuha lang ako ng mga gamit sa bahay, Ate Ana."

Tumango ako. "Sige. Mag-ingat ka sa biyahe. Tawagan o i-text mo lang ako kung anong oras ka makakabalik dito."

Pagkalabas ni Lara, kinuha ko ang calling card na binigay sa akin ni Chairman Marcelo kanina.

"Gagawin ko ang lahat para sa 'yo, Nanay. Kumapit ka lang. Huwag mo muna akong iiwan," bulong ko at muling hinalikan ang kamay niya.

Huminga muna ako ng malalim bago dinial ang numero ni Chairman Marcelo. Kung kapalit ng inalok niyang pagpapakasal sa apo niya ang makakatulong sa akin para mailigtas si Nanay, tatanggapin ko.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status