Share

Chapter 1

Tessa's POV

NAPAPITLAG ako nang marinig ang malakas na busina ng kotse sa labas ng malaking gate. Nagmamadali kong binitiwan ang hawak kong walis at dustpan at saka mabilis ang mga hakbang na lumapit sa bintana.

"Si Senyorito Darius!" bulalas ko habang may malaking ngiti sa aking labi.

Gusto kong tumalon sa labis na tuwa nang matanaw ang pagpasok ng kulay abong sasakyan sa gate ng Altagrasia Mansion. Si Mamang Olga pa ang nagbukas ng pinto dahil excited rin itong salubungin si Senyorito Darius.

Ang totoo niyan, sa lahat ng anak ni Don Enrico, si Senyorito Darius at Ate Isabella ang pinakapaborito ni Mamang Olga. Nasa ibang bansa na si Ate Isabella, at si Senyorito Darius naman ay madalang na lang kung bumisita rito. Pero dahil nalalapit na ang kaarawan niya, umuwi ito sa Hacienda Altagrasia upang dito ipagdiwang ang kaniyang 30th birthday.

Dali akong lumabas ng malaki at malawak na living room upang salubungin ang senyorito. Hindi na nga mabura ang ngiti sa mukha ko dahil sa wakas, matapos ang maraming buwan ay muli kong masisilayan ang guwapo niyang mukha.

"Darius! Anak! Kumusta ka naman?"

"Manang, na-miss ko po kayo!"

"Na-miss din kita, anak!"

Lalong natuwa ang nangungulila kong puso nang marinig ang kumustahan nina Mamang Olga at Senyorito Darius. Matagal ko rin pinanabikan marinig ang baritono at nakaka-inlab na boses ni Senyorito!

Paglabas ko ng malaking pinto ng mansion, ang matinding kasiyahan at malaking ngiti sa aking labi ay mabilis na napalis. Unti-unting naglaho ang tuwang nararamdaman ko nang makita ang babaeng nakatayo sa tabi ni Senyorito Darius.

Sa tinagal-tagal ng panahon, ngayon lang nagsama ng si Senyorito. Maganda ito, matangkad, kutis porselana at maamo ang mukha. Maging ang pananamit nito, napakasosyal.

Nanliit ako nang bumaba ang paningin ko sa aking sarili. Damit na pangkatulong lamang ang aking suot, hindi rin ako masyadong katangkaran, morena ang kutis ko at kumpara sa babaeng kasama niya, walang-wala ako.

"Sino naman itong kasama mo, hijo?"

Bago pa man masagot ni Senyorito Darius ang tanong ni Mamang, lumabas na mula sa malaking pinto ng mansion si Don Enrico kasama ang may-bahay nito, si Donya Magda.

"Darius."

"Pa!" Nakangiting lumapit si Senyorito kay Don Enrico at yumakap dito. Hindi naman niya binigyan ng pansin si Donya Magda na agad na nahalata namin.

Matapos ng nangyari kay Master Daryl at maging sa anak ni Donya Magda na si Anika, malaki na ang ipinagbago ng Hacienda Altagrasia. Isa na rito si Senyorito Darius. Umiwas na ito sa pag-uwi dito sa hacienda, at kung nandito man, halata ang pagkailap niya sa donya.

Hindi ko masisisi si Senyorito Darius. Kalat na sa buong Hacienda Altagrasia ang ginawang pagtutuhog ni Donya Magda sa mag-amang Altagrasia—kina Don Enrico at Master Daryl. Sa katunayan, namatay si Master Daryl nang hindi sila nagkakaayos ng don.

"Ito na ba si Martha?"

Lumapit si Senyorito Darius sa babaeng kasama at nakangiting inakbayan ito. "Yes, pa."

Kumirot nang bahagya ang puso ko nang makita ang ngiti sa mukha ni Senyorito habang nakaakbay sa babaeng nagngangalang Martha.

Lumapit si Martha kay Don Enrico at b****o rito, maging kay Donya Magda.

"Mabuti naman at nakasama ka, hija."

"It's a pleasure to be here, tito. Matagal ko na nga pong gustong bumisita rito. Si Darius kasi, masyadong busy sa trabaho kaya ngayon lang kami nakapunta."

"Hindi bale, ang mahalaga, nandito ka para sa birthday celebration ng aking anak."

Mas lalo akong nanlumo nang mapansin na parang gustong-gusto ni Don Enrico si Martha. Mukhang boto ito sa babaeng iyon para kay Senyorito Darius.

Nakagat ko ang labi ko sa narinig. Hindi naman siguro sila magkasintahan? Oo, maganda si Martha, pero hindi siya magugustuhan ni Senyorito Darius. Mailap si Senyorito sa mga babae at ayaw niya sa mga masyadong maarte.

Tumango-tango ako sa naisip. Umaasa ako na hanggang ngayon, hindi pa nakakatagpo si Senyorito Darius ng kasintahan. Matagal akong naghintay sa pagbabalik niya. Siguro ngayon, magagawa ko nang maipagtapat sa kaniya ang tunay kong nararamdaman.

"Siya nga pala, Manang Olga, ito pala si Martha, ang nobya ko."

Parang gumuho ang mundo ko nang marinig ang mga katagang iyon mula kay Senyorito. Lumakas ang pintig ng puso ko at habol hiningang nagpabalik-balik ako ng tingin kay Senyorito Darius at kay Martha.

Kahit si Mamang Olga ay natigilan at napatingin sa akin. Alam kasi niyang matagal ko nang lihim na minamahal si Senyorito Darius.

Buong akala ko ay wala nang mas sasakit pa sa nalaman ko ngayon, pero ang sumunod na sinabi ni Don Enrico ang tuluyang nagpawasak ng puso ko.

"Sa gabi ng kaarawan mo, iaanunsyo ko na rin sa lahat ang nalalapit ninyong pag-iisang dibdib!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status