Share

The Billionaire's Substitute Bride
The Billionaire's Substitute Bride
Author: Deigratiamimi

Chapter 1

Tinanghali ako ng gising dahil madaling araw na akong nakauwi kanina. Nagtatrabaho ako sa isang convenience store bilang cashier. Nagsaing ako ng kanin at nagluto ng hotdog. Binuksan ko ang aking mini refrigerator at kumuha ng karneng manok na nakasilid sa isang plastic. Magluluto ako ng adobong manok para kay Nanay dahil bibisitahin ko siya mamaya bago ako pumunta sa trabaho. Ito ang paborito niyang ulam kaya sisiguradohin kong magugustohan niya ito.

Napatalon ako nang may marinig akong sunod-sunod na katok sa pintuan ng aking kwarto. “Sandali lang!” sigaw ko habang tinatanggal ang suot kong apron.

Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko si Aling Maria na nakabusangot ang mukha habang ito’y nakapamewang. Siya ang may ari ng bahay o kwartong inuupahan dito. Kasama niya ang tatlong lalaking karpintero na nagtatrabaho sa kaniya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa.

“Magandang tanghali po,” bati ko ngunit nilampasan niya lang ako. Pumasok siya sa loob ng kwarto at tiningnan ang aking niluluto. Buti na lang at natapos ko ng lutuoin ang adobong manok bago sila dumating.

“Mukhang masarap itong niluto mo. Para ba ito sa akin?” sarkastikong tanong niya at kumuha ng isang pirasong manok. Tinikman niya ito. “Masarap,” komento niya sa aking nilutong ulam para kay Nanay.

“Maraming salamat po,” saad ko habang kinakagat ang aking labi dahil sa sobrang kaba.

Umupo siya sa sofa saka in-ON ang TV. “Kailan mo balak magbayad sa lahat ng bayarin mo rito, Anabelle?” diretsong tanong niya sa akin. Mas lalong bumilis ang pintig ng aking puso sa sobrang kaba. “Kumusta ang iyong buhay prinsesa rito sa puder ko?” dagdag niyang tanong.

Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Kumuha ako ng isang malinis na plastic at inilagay ang adobong manok. Dahan-dahan akong lumapit sa kaniya at tumabing umupo sa sofa.

“Aling Maria, pasensiya na po dahil medyo kapos pa po ako sa pera ngayon,” sabi ko sa mahinang tono.

Ang totoo ay mas inuuna kong bayaran ang mga utang ng mga magulang ko kesa bumayad sa upa ng kwarto, kuryente, at tubig.

Tumayo siya at nagsalin ng tubig. “Anong petsa na ngayon at wala kang maibigay na pambayad sa inuupahan mong kwarto kahit isang piso?! Wala ka bang balak bumayad o sadyang makapal lang talaga ang mukha mo!” sigaw ni Aling Maria at binuhos sa akin ang tubig na sinasalin niya. Yumuko ako at nanatiling tahimik. “Tatlong buwan na Anabelle at kailangan ko ng maningil sa ’yo. May trabaho ka naman pero bakit hindi ka marunong magbayad? Hindi ako nagpapatira ng libre rito lalong-lalo na’t tumataas ang bayarin ng kuryente at tubig!” Suminghap si Aling Maria. “Kunin niyo itong TV at ang ibang mga gamit niya na pwedeng isangla!” utos niya sa tatlong lalaki.

“Aling Maria magbabayad naman po ako. Kinapos lang po talaga ako sa pera ngayon. Binabayaran ko rin kasi ang mga natitirang utang ng mga magulang ko. Huwag niyo naman po kunin ang mga gamit ko,” pagmamakaawa ko sa kaniya nang sinisimulan nilang buhatin ang TV.

“At kalian ka magbabayad? Kapag namatay na ako? Kailangan ko rin ng pera at nauubos mo na ang pasensiya ko sa kahihintay ng bayad mo! Tatlong buwan ka ng hindi nakapagbayad sa upa ng kwarto, kuryente at tubig!”

“Bigyan niyo pa po ako ng isang buwan. Mababayaran ko rin po lahat-lahat. Isang buwan lang po, Aling Maria.” Kinuha ko ang aking wallet at kumuha ng isang libong piso. Inabot ko sa kaniya ang pera at mabilis niya itong hinablot. “’Yan lang po ang maibibigay kong pera sa ngayon. Huwag niyo po sanang kunin ang aking mga gamit dahil ‘yan na lang po ang natitirang alaala ko sa tatay ko.”

“Kulang na kulang ang isang libo! Tatlong buwan akong naghintay tapos ito lang ang ibibigay mo? Kung ibenta mo kaya ang katawan mo para may pambabayad ka sa akin kagaya ng ibang ginagawa ng mga taong umuupa rito!”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa kaniyang sinabi. Kailanman ay hindi ko naisip na ibenta ang aking katawan para lang sa pera. Kahit gaano ako kahirap, hinding-hindi ko ibebenta ang aking katawan.

“Magkaiba po kami ng prinsipyo sa buhay! Kahit gaano ako kahirap, hinding-hindi ko ibebenta ang aking katawan. Kaya huwag na huwag mo akong utosan na gawin ang bagay na iyan, Aling Maria!” Hindi ko mapigilang mapasigaw sa harap niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata at sinampal ako.

“At ang lakas ng loob mo para sigawan ako! Wala akong pakialam kung naghihirap ka sa buhay! Bayaran mo lang ako para matapos na ito at kung hindi, mapipilitan akong paalisin ka rito!”

“Aling Maria, kahit isang buwan lang po. Wala akong ibang matutuloyan kapag pinaalis niyo ako rito,” pagmamakaawa ko ngunit hindi siya nakinig. Tinalikuran niya ako at nagsimulang kunin ang mga gamit na pwedeng masangla sa loob ng aking kwarto. “Huwag niyo naman po gawin ‘to sa akin. Nagmamakaawa po ako sa inyo.” Lumuhod ako at nagsimulang umiyak. Hindi ako pwedeng umalis dito lalo na’t wala akong mga kakilalang kamag-anak. Wala akong ibang matutuloyan at mahihingan ng tulong.

“Kahit umiyak ka pa ng dugo riyan hindi mo mababago ang desisyon ko! Umalis kana rito kung wala kang pambayad sa akin!” sigaw ni Aling Maria.

Inilabas nilang lahat ang aking mga gamit. Umiiyak ako habang pinupulot ang mga nakakalat kong gamit sa labas ng aking kwarto. Panay ang bulongan ng mga renters habang nakatingin silang lahat sa akin. Mabilis kong inilagay sa malaking bag ang aking mga gamit. Nakita ko sina Aling Maria at ang tatlong lalaki na lumabas sa aking kwarto. Padabog niyang isinara ang pinto at kinandado ito.

“Ganiyan din ang mangyayari sa inyo kapag hindi kayo marunong magbayad!” sigaw niya sa ibang renters.

Isa-isa silang bumalik sa kani-kanilang mga kwarto at iniwan ako. Nakaramdam ako ng sobrang hiya sa lahat ng nakakita sa nangyari. Pagkatapos kong pulotin lahat ng mga gamit ay dumiretso ako sa terminal ng mga bus. Hindi na ako nakapagbihis at nakapag-ayos sa sarili dahil sa sobrang hiya. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Mahigit isang oras akong nanatili sa bus terminal habang umiiyak. Napapansin ko rin ang pagtingin ng ibang pasahero sa akin sa tuwing napapadaan sila sa harapan ko.

Kinuha ko ang aking cellphone sa loob ng bag nang napansin kong may tumatawag. Huminga muna ako ng malalim bago ko ito sinagot. “Hello, sino po ‘to?” tanong ko sa kabilang linya nang nakita ang unknown number.

“Si Miss Enriquez po ba ito?” tanong ng isang babae sa kabilang linya.

“Opo. Bakit po?”

“Isa ako sa mga nurse na nag-aalaga sa Nanay mo. Pwede ka po bang pumunta rito? Ayaw niyang uminom ng gamot, Ma’am,” mahinahong sabi niya na siyang nagpaiyak sa akin muli. “Mahigit tatlong oras na po siyang nagwawala, Ma’am. Naiisturbo niya po ang ibang pasiyente. Pinapasabi rin po ni Dr. Alejandro kung nakapag-isip na po ba kayo tungkol sa operasiyon ng Nanay niyo, Ma’am. Kung hindi po kayo busy ngayong araw baka pwede po kayong pumunta rito para makausap si –”

Pinutol ko ang tawag at mabilis na pinunasan ang nagbabadyang luha sa aking mga mata. Kinuha ko ang aking mga dalang gamit at nagsimulang maglakad paalis ng bus terminal. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Hinayaan ko ang aking sarili kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa mga problema ko. Saan ako kukuha ng pera para sa operasiyon ni Nanay kung hindi sapat ang sahod ko bilang isang cashier sa pinapasokan kong trabaho?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status